Scholarship sa mga anak ng OFW muling binuksan
Isa sa karaniwang pangunahing dahilan ng pangingibang-bansa ng maraming overseas Filipino worker ay ang matustusan ang pag-aaral at mapagtapos ng kolehiyo ang kanilang mga anak o ibang miyembro ng pamilya tulad ng kapatid o pamangkin. Kasama ang pangmatrikula at ibang panggastos sa eskuwelahan sa mga perang ipinapadala nila sa kanilang naiwang pamilya sa Pilipinas tuwing kinsenas o katapusan ng buwan.
Pero hindi naman lahat ng mga OFW ay napakalaki ng kinikita sa ibang bansa. Marami sa kanila ang gumagawa ng mga sideline o dalawa, tatlo o higit pa rito ang nagiging trabaho roon para matustusan ang mga pangangailangan nila at ng kanilang pamilya lalo na ang edukasyon ng kanilang mga anak. Tinitipid ang sarili, nagsasakripisyo nang malaki, nagtitiis ng mga hirap at hamon sa pagtatrabaho sa malayong dayuhang lupain para makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mahal sa buhay na nasa Pilipinas.
Kaya malaking bagay para sa kanila ang mga scholarship program na inilulunsad ng Overseas Workers Welfare Administration taon-taon para sa libreng pag-aaral sa kolehiyo ng mga anak at dependent ng mga OFW. Lalo na kung ang OFW ay nasa mga trabahong napakaliit ng suweldo sa ibang bansa tulad ng sa domestic worker, construction worker, factory worker, janitorial services, cook, hairdresser, bartender, farm worker at ibang tinatawag na blue collar / menial jobs.
Tulad ngayong taong ito, napaulat nga kamakailan sa Philippine News Agency at sa Khaleej Times ang Facebook post ng OWWA na nagpapahayag sa muling pagbubukas ng naturang scholarship program. Itinakda ng OWWA na mula Hulyo 26, 2024 hanggang Agosto 16, 2024 ay maaari nang mag-apply ang mga anak at dependent ng mga OFW para sa Education for Development Scholarship Program (EDSP) at OFW Dependent Scholarship Program (ODSP).
Sinasabi ng OWWA na ang EDSP ay para sa mga anak at dependent ng OFW na 2nd hanggang 5th year college students habang ang ODSP ay para sa mga nasa 1st year to 5th year.
Ang EDSP ay isang scholarship grant para sa kuwalipikadong dependent o kapatid ng isang single active OWWA member na isang incoming Senior High School student or Grade 12, o incoming college freshman na hindi hihigit sa 21 anyos ang edad at merong 80 percent general weighted ave-rage (GWA) at walang failing grades.
Para sa incoming freshmen, ang pagpili ng mga scholar ay tutukuyin sa pamamagitan ng national examinations ng Department of Science and Technology (DOST).
Maaari ring mag-apply ang mga naka-enrolled na sa second year hanggang 5th year sa kolehiyo, hindi hihigit sa 30 anyos ang edad, at merong GWA na hindi bababa sa B letter grade o 85 percent equivalence sa lahat ng academic and non-academic subjects sa huling school year na pinasukan.
Ang mga matatanggap na aplikante ay tatanggap ng hanggang P60,000 bawat school year hanggang sa matapos nila ang isang four to five year baccalaureate course.
Ang ODSP naman ay isang scholarship grant na nagkakaloob ng hanggang P20,000 financial assistance per school year sa kuwalipikadong dependent ng OFW na ang buwanang sinasahod ay hindi hihigit sa USD600 (PHP34,000), iyong mag-eenrol pa lang o kasalukuyan nang enrolled o naka-enrolled na sa alinmang four-year o five-year baccalaureate course o associate course sa alinmang kolehiyo o pamantasan.
Ang mga interesadong aplikante ay maaaring pumunta sa alinmang Regional Office ng OWWA na malapit sa kanilang kinaroroonan para sa impormasyon sa mga kinakailangang dokumento at sa pagsusumite ng kanilang aplikasyon. Maaari ring bisitahin ang website ng OWWA kaugnay rito.
Kailangan nga lang miyembro ng OWWA ang OFW na magulang o kapatid o kaanak ng estudyanteng mag-aaplay ng scholarship. Isa ito sa mga bentahe o pribilehiyong nakukuha ng mga OFW na dumaan sa legal na proseso ng pangingibang-bansa na karaniwan ding nagiging kasapi ng OWWA.
Maituturing nga lang itong limitasyon dahil hindi puwedeng makatikim ng naturang scholarship ang anak o dependent ng OFW na hindi miyembro ng OWWA.
Gayunman, isa lang naman sa maituturing na alternatibo ang mga scholarship ng OWWA para sa mga anak at dependent ng mga OFW.
Meron mang OWWA scholarship o wala, nagpapatuloy ang mga pakikibaka ng maraming OFW sa ibayong-dagat para maitaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak na isa sa pangunahing dahilan kaya sila umalis sa Pilipinas. Malaking kasiyahan at karangalan sa kanila ang makitang nakaakyat ng entablado nang nakasuot ng toga at tumanggap ng diploma ang kanilang mga anak na magtitiyak sa maa-yos na kinabukasan ng mga ito.
Tuwing panahon nga ng graduation sa mga eskuwelahan, kabilang sa makikita sa social media ang mga kuwento, litrato, video at pagdiriwang ng mga anak ng mga OFW na matagumpay na nakapagtapos ng kolehiyo.
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest