EDITORYAL - Isuplong ang mga corrupt
Maraming nakakuha ng pekeng birth certificates at hindi lamang sa Davao del Sur civil registry nangyayari ang korapsiyon kundi sa marami pang lugar sa bansa. Ito ay nagpapatunay lamang na laganap ang katiwalian sa maraming tanggapan ng pamahalaan. Mistulang kanser na ang korapsiyon sa bansa na kumakalat.
Ang pagdami ng mga Chinese nationals sa bansa na may pekeng birth certificate ay nagpapatunay lamang na laganap ang katiwalian sa mga local civil registry at walang ginagawang aksiyon ang National Statistics Authority (NSA) na may hurisdiksiyon sa pag-iisyu ng mga sertipiko ng kapanganakan.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), 1,200 foreigners na pinaniniwalaang mga Chinese ang nakakuha ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur sa pamamagitan ng late registration. Naganap umano ang pagkuha ng mga pekeng birth certificates noong 2016 sa panahon ng Duterte administration.
Nangyari naman ang pag-iisyu ng mga pekeng birth certificates habang nasa kainitan din ang pagdagsa ng mga Chinese para magtrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs). Maluwag na nakapasok sa bansa ang mga Chinese dahil nagbayad nang malaking halaga sa mga corrupt na opisyal at empleyado sa Bureau of Immigration (BI). Tinaguriang “pastillas scam” ang ginagawa ng mga corrupt na opisyal sa BI dahil nakabilot ang pera na parang pastillas.
Ang nangyayaring pagpeke sa birth certificates ay noon pa nangyayari kaya marami ang naniniwala na si suspended Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ay isa sa mga nakinabang sa pekeng birth certificates. Lumalabas sa imbestigasyon ng Senado na nag-aplay ng late birth registration si Guo. Sabi ni Senate President Chiz Escudero na “tip of the iceberg” pa lang ang natuklasan ng NBI na maraming Chinese ang nakakuha ng pekeng birth certificate. Ibig niyang sabihin, kaunti pa lang ang natuklasan ng NBI at kailangang mag-imbestiga pa.
Ibinulgar naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na sa halagang P300,000, maari nang makakuha ng birth certificate, valid Philippine passport, driver’s license at iba pang mga dokumento. Isang package ang modus at mayroong naglalakad o nag-aayos para makakuha ng palsipikadong Philippine documents.
Sa mga nadiskubre ng NBI at sa pagsasaliksik ni Gatchalian, talamak na ang korapsiyon sa local civil registry at dapat nang kumilos ang NSA. Dapat nang ipahinto ang late registration na nauso noong 2016 hanggang 2019.
Noong Hunyo 20, 2024, hinikayat ng Supreme Court ang taumbayan na ireport ang mga korap na justices, judges at iba pang judiciary employees. Kabilang sa mga masamang gawain ay ang extortion, paghingi ng regalo at iba pa na may kaugnayan para mapabilis ang pag-usad ng kaso. I-report sa [email protected].
- Latest