Desperadong destabilisasyon
Neutral lang ako sa mga isyu sa bansa. Kung may katuli-tuligsa sa administrasyon binabatikos ko at kung mayroong mga paninira rito ay binabantaan ko rin. Isa na riyan ang desperadong tangkang pagwasak sa kredibilidad ng administrasyon.
Naniniwala ako na sa hirap ng sitwasyong pandaigdig ngayon na nakaaapekto sa bansa, kailangan ang totoong pagkakaisa upang mapagtagumpayan ng bansa ang kahirapang dinaranas.
Kamakailan, isang retiradong heneral ng AFP ang nagpaskel ng VLOG sa social media na nagsasabing nag-walk out umano ang mga opisyal ng AFP sa command conference na ipinatawag ni Presidente Bongbong Marcos. Seryosong bagay kapag ang militar na ang bumitiw sa pagsuporta sa Punong Ehekutibo.
Ang kasunod niyan ay ang tiyak na pagpapatalsik sa kanya tulad nang naganap noong 1986 nang mag-people power ang taumbayan at patalsikin ang Presidente noon.
Pinabulaanan ng AFP ang umano’y walk out. Sasabihin marahil ninyo, natural pabubulaanan. Pero naniniwala ako dahil kung ito ay totoo, dapat naglitawan na ang mga opisyal na ito upang ipahayag sa mamamayan ang pag-alis ng suporta sa Presidente. Walang opisyal na nasa katinuan ang isip na pasisinungalingan ang bagay na ginawa matapos mangyari ito. Isip-isip!
Dapat nanawagan na sila sa taumbayan na maramihang magtipon at sabihan ang Presidente na bumaba na sa kapangyarihan. Sa tingin ko, tayong mga Pinoy ay natuto na sa paulit-ulit na rebolusyon na wala namang positibong pagbabagong naidulot. Bagkus, lalo lamang sumasahol ang pambansang kalagayan.
Huwag tayong maniniwala antimano sa mga “bulok propaganda” ng mga nagpapanggap na oposisyon na ang tunay na motibo ay pansarili lang. Marunong tayong magsuri at mag-analisa. Batid na natin kung sino ang kampon ng diyablong naghahangad na maghari sa bansa.
- Latest