Magpakatotoo sana sila sa patakaran sa bigas
Nagsasabi ba ng totoo ang mga opisyales tungkol sa bigas?
Ibinaba ng Malacañang ang taripa sa angkat na bigas sa 15% mula 35%. Makikinabang daw ang mga mamimili. Bababa raw ang presyo ng bigas sa P6-P7 kada kilo.
Mahirap paniwalaan ‘yon. Bakit? Kasi bumagsak din ang halaga ng piso kontra dolyar. Ang palitan ngayon ay P59:$1 mula sa dating P55:$1.
Ibig sabihin, dahil dolyar ang ibinabayad sa pag-angkat, mas maraming piso ang magagasta. Magiging mas mahal ang angkat na bigas. Hindi lang P4 na ibinagsak ng piso ang imamahal kada kilo, kundi P6-P7 dahil sa tubo ng money exchange.
Sa madaling salita, ang totoong balak ng opisyales ay manatili ang presyo ng bigas sa dati nang P55-P60 kada kilo. Hindi totoong magmumura ito.
Ito pa ang masaklap. Sa pagbaba ng taripa sa 15% mula 35%, mababawasan ang koleksyon ng Customs nang P20 bilyon-P22 bilyon. Sabi mismo ‘yan ni Finance Sec Ralph Recto.
Makakawawa ang mga magpapalay. Ang koleksyon kasi ng Customs mula sa angkat na bigas ay para sa Rice Competitiveness Enhancement Program. Subsidiya ito para sa pataba, pestisidyo, pagsaliksik, binhi, at makinaryang pangsaka, pang-ani, at pang-imbak.
Kung wala ang mga subsidiya, mananatiling hikahos ang mga magpapalay. Walang pondo para sa modernisasyon.
Nu’ng Halalan 2022 nangako si Bongbong Marcos ng P20 kada kilo na bigas. Maraming naniniwala. Hanggang ngayon nakanganga lang sila sa paghihintay ng “bente pesos na bigas”. Isang dakot lang ang mabibili mo sa halagang ‘yon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest