Marine biologists sa U.S., may natagpuang mala-alien na nilalang sa dagat!
Isang grupo ng marine biologists at whale watchers sa Monterey, California ang nakakita ng isang weird na sea creature!
Nag-viral kamakailan ang Instagram post ng Monterey Bay Whale Watch kung saan makikita sa litrato ang nakakapanindig balahibong nilalang na tila mapapanood lang sa isang alien horror movie.
Ang Monterey Bay Whale Watch ay isang grupo ng mga marine biologists at whale watchers na nagbibigay ng educational boat tours sa mga taong gustong mag-observe ng mga balyena, dolphine at iba pang marine wildlife.
Mababasa sa caption ng naturang post na pagdating ng kanilang team members sa kanilang opisina ay nakita ng mga ito ang sea creature na inanod sa kanilang pantalan. Dahil takot silang hawakan ito ay kinuha at dinampot nila ito sa pamamagitan ng isang cardboard paper.
Matapos suriin ng mga kasamahang marine biologists ang litrato ng sea creature, napag-alaman na isa itong malaking uri ng Glycera o Blood Worm. Kilala ang mga ito sa kanilang mabalahibong tagiliran at matingkad na pulang kulay.
Ang kulay nilang ito ay sanhi ng mataas na konsentrasyon ng hemoglobin sa kanilang dugo, na tumutulong sa kanila na mabuhay sa mga lugar na mababa ang oxygen, tulad ng putik o dumi sa ilalim ng mga ilog at dagat.
Kadalasang natatagpuan ang mga Blood Worm sa tabing dagat. Sila ay may matulis na pangil at naglalabas ng lason upang hulihin ang kanilang biktima. Bukod sa pagiging pagkain ng isda, ginagamit din sila bilang pain sa pangingisda.
Dahil hindi pangkaraniwang nakikita ang sea creature na ito, maraming netizens ang nangilabot sa weird na hitsura nito. Ilan sa mga nag-comment sa naturang Instagram post ay nagsabing para itong bituka.
Ayon sa mga nakapulot nito, agad nila itong ibinalik sa dagat matapos nilang kuhanan ng litrato.
- Latest