Media literacy workshop versus fake news
Ngayong halos lahat ng Pilipino ay babad sa social media at minsan pa ay higit sa isa ang account, mas mabilis na ang palitan ng komunikasyon at pagkuha ng balita at impormasyon.
Subalit kasabay ng pagyabong nito, may mga kaakibat itong mga panganib na nakaaapekto sa pang-araw-araw nating pamumuhay at sa mga komunidad na ating ginagalawan.
Kabilang na rito ang talamak na fake news, na kung hindi masusuring maigi ay posibleng mauwi sa mas malaking problema, lalo na sa hanay ng ating kabataan.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit nagpasya ang lokal na pamahalaan na magsagawa ng tatlong araw na “Siyasat Kabataan: Media Literacy Workshop”, na pinangunahan ng Public Affairs and Information Services Department, para sa mga SK officials sa Quezon City.
Katuwang din natin sa programang ito ang ABS CBN’s citizen journalism movement na “Bayan Mo, i-Patrol Mo”, QC Sangguniang Kabataan Federation at QC Barangay and Community Relations Department.
Bukod sa pagpigil sa paglaganap ng fake news, layunin din nito na isulong ang responsableng paggamit ng social media, lalo na sa paghahatid ng impormasyon sa mga komunidad ukol sa kani-kanilang mga programa at proyekto.
Kasama rin sa hangarin ng programa na gawing responsableng content creators at citizen journalists ang youth organizations at mga estudyante ng ating siyudad.
Dagdag pa rito, layunin ng pamahalaang lungsod na magsilbing katuwang o force multiplier ang mga SK officials at youth organizations sa paglaganap nang wasto, napapanahon, at makabuluhang impormasyon lalo na sa panahon ng fake news.
Sa tulong nila, mas madaling maihahatid ang mga balita at programang handog ng pamahalaan para sa QCitizens.
Naging resource speakers ang mga kinatawan mula sa ABS-CBN citizen journalism arm, “Bayan Mo, iPatrol Mo” na sina Dabet Panelo at Patrol ng Pilipino team lead Anjo Bagaoisan.
Tips naman sa tamang pagkuha ng litrato ang hatid ng beteranong photojournalist at kasalukuyang pangulo ng QC Photographers Guild president na si Romeo Mariano.
Todo ang suporta natin sa programang ito dahil mabibigyang daan ang aktibong partisipasyon ng mga barangay at QCitizens sa responsableng pagbabahagi ng impormasyon sa social media.
- Latest