Kampihan na lang kaya ang China?
KUNG gusto nating mapigil ang panduduro at panggigipit ng China sa ating bansa, ano kaya kung kumampi na lang tayo dito at talikuran ang Amerika bilang kaalyado? Siguradong papalakpak pati teynga ni Chinese President Xi Jinping.
Napatunayan na ito sa administrasyon ni Duterte na abot-langit ang pagkampi at pagpuri sa komunistang pamahalaan ni Xi Jinping. Halos dilaan pati talampakan. Lalong natuwa sa atin ang China nang mura-murahin ni Duterte ang pinuno ng kalaban nilang bansa na si Barack Obama.
Kung gagawin din ni Presidente Bongbong ang paghimod sa tumbong ni Xi, tiyak malaya na tayong makakapangisda sa West Philippine Sea na talaga namang may territorial rights tayo. Hindi na kakanyunin ng tubig ang ating mga operatiba na napapadpad sa karagatan.
Sakrisyo ang kailangan para mabuhay. Isakripisyo ang nasyonalismo at soberenya. Magpasakop na tayo sa Tsina! Kesehodang magmukha tayong engot sa mata ng daigdig? Tutal dedo na sina Rizal, Bonifacio at iba pang bayani, hindi na nila malalaman sa kabilang buhay ang ating katraydoran.
Eh ano kung tagurian tayong duwag? Ang mahalaga, maligtas at mabuhay kahit walang dangal. Eh ano kung ang mas malaking bahagi ng mundo ay laitin at pagtawanan tayo. Buhay naman tayo at kakampi ng isang malupit, gahaman at walang Diyos na bansa.
- Latest