EDITORYAL - Huwag palitan ng pangalan
Pinag-aaralan umano ni Health Secretary Teodoro Herbosa na palitan ang pangalan ng Department of Health at gawing Department of Health and Wellness. Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, panukala pa lamang ito ni Herbosa at kailangan pa itong pag-aralang mabuti. Niliwanag ni Domingo na nabuo ang ideyang ito dahil na rin sa isinasaad sa charter ng World Health Organization na ang kalusugan ay estado ng ganap na kagalingang pampisikal, mental at panlipunan at hindi lamang ang kawalan ng karamdaman. Ayon pa kay Domingo, iminungkahi rin ni Herbosa na palitan ang kanyang titulo at gawing Chief Longevity Officer sa halip na Health Secretary.
Ang ideya na palitan ng pangalan ang DOH ay hindi katanggap-tanggap. Maraming problemang hindi pa nalulutas ang DOH at dapat dito sila magpokus at hindi sa pagpapalit ng pangalan. Ang pagpapalit ng pangalan ay hindi makatutulong para makahulagpos ang DOH sa kumunoy ng mga problema.
Isa sa mga problema ng DOH ay ang hindi mabayarang allowance at benefits nang maraming healthcare workers (HCWs) na nagsimula pa noong pandemya. Nawala na ang COVID-19 at nagbalik na sa normal ang pamumuhay subalit ang inaasam na mga benepisyo at allowances ng HCWs ay hindi pa ipinagkakaloob ng DOH.
Tinatayang P27 bilyon ang hindi pa naibibigay mula pa 2021-2023. Noong nakaraang linggo sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na nai-release na ang pondo para sa HCWs. Ganunman, sinabi ng mga namumuno sa grupo ng HCWs, maniniwala lamang sila kung nasa kamay na nila ang mga inaasam na allowances at benepisyo.
Problema rin sa kasalukuyan ang kakulangan ng mga nurses, doctors at iba pang HCWs sa maraming ospital sa bansa. Patuloy ang exodus sa ibang bansa dahil mas malaki ang offer na suweldo. Isang taon na ang nakararaan, may isang ospital sa Batangas na sabay-sabay nag-alisan ang mga nurses at nag-aplay sa London at sa Middle East. Mas sigurado ang kanilang kita sa ibang bansa kaysa sa mga ospital sa Pilipinas.
Ilan lamang ito sa mga problema na dapat agarang bigyang pansin ng DOH. Ang mga ito ang dapat iprayoridad at hindi ang pagpapalit ng pangalan. Hindi makatutulong sa problema ang bagong pangalan. Aksiyon ang kailangan.
- Latest