Wala nang saysay ang lahat
NAPANOOD ko sa news website ng ABS-CBN ang pagsemplang ng motorsiklo dahil umiiwas mahuli ng traffic enforcer dahil sa pagdaansa EDSA busway. Pero kung panonoorin hanggang sa katapusan ng video, makikitang nakuha pang itayo ng rider ang kanyang umaandar na motorsiklo at tumakas. Sana nakuha sa video ang plaka ng motorsiklo at hanapin ng mga otoridad kung sino ito at parusahan ayon sa batas. Lumabag na nga sa batas trapiko, tumakas pa. Dapat mabigat-bigat ang parusa diyan.
Pero tila ganyan nga ang kalakaran sa Metro Manila ngayon. Hindi mahigpit sa mga motorsiklo. Kung kotse ang lumabag at nagpumilit tumakas, baka hinabol iyan hanggang sa mahuli. Bakit binigyan pa ng pagkakataon ang rider na itayo ang kanyang motorsiklo? Bakit hindi pinatay ang motorsiko at kinuha ang susi? Kitang-kita sa video na may pagkakataong gawin iyan. At nang umandar na, bakit hindi tinulak ng enforcer ang rider para sumemplang muli?
Ito ang dahilan kung bakit hindi takot mahuli ang karamihan ng mga rider. Kasi wala namang nahuhuli. Sa Alabang, malinaw ang “No right turn on red signal” sa kanto, pero hindi ito sinusunod ng mga motorsiklo habang ang mga kotse ay nakahinto. Para saan ang batas-trapiko na iyan? Para lang ba sa mga kotse? Pero para hindi masabing motorsiklo lang ang hindi marunong sumunod sa batas-trapiko, maraming kotse o trak ang hindi pa rin alam ang ibig sabihin ng yellow box sa kalsada.
Ibig sabihin, hindi puwedeng manatiling nakahinto sa loob ng yellow box. Ibig sabihin, kailangang bukas ang yellow box para makadaan naman ang ibang sasakyan mula sa ibang direksyon. May mga yellow box sa harap ng mga istasyon ng bumbero pero kadalasan hindi ito sinusunod. Kapag kailangang kumilos ng mga bumbero at nakaharang ang kanilang daraanan dahil hindi marunong sumunod sa yellow box, disgrasya na.
Halos anarkiya na nga ang nagaganap sa mga kalsada na wala namang traffic enforcer o pulis. Minsan, may makikita akong sasakyan ng pulis na nakaparada sa kanto, pero hindi naman tumutulong para ayusin ang trapik. Bakit sila nakaparada lang? Nagiging walang saysay ang lahat ng batas-trapiko dahil walang nagpapatupad o nanghuhuli. Ngayon, kahit harap-harapan na ang nanghuhuli, nakakatakas pa rin. Walang na talagang saysay ang lahat pagdating sa kalsada.
- Latest