^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Panganib ng leptospirosis

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Panganib ng leptospirosis

Panahon na ng tag-ulan at baha. Mas malubha umano ang tag-ulan ngayon dahil sa inaasa­hang La Niña na eepekto sa susunod na buwan. Ayon sa PAGASA, dalawa hanggang tatlong bagyo ang tatama sa bansa sa Hulyo at maghahatid ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Pero may mas nakakatakot pa at nakababahala sa pagsapit ng ulan at baha. Ito ay ang leptospirosis. Delikadong lumusong sa baha sapagkat maaring kontaminado ito ng ihi ng mga hayop lalo na ang daga. Kung may sugat sa binti at paa, huwag lumusong sapagkat dito pumapasok ang virus leptospira. Kung lulusong, gumamit ng bota.

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mamamayan na huwag balewalain ang paalala na mag-ingat sa leptospirosis. Sa tala ng DOH, mula Enero 1 hanggang Hunyo 15, 2024, mayroon nang 878 na kaso ng leptospirosis at 84 na ang namatay.

Sa DOH-Region 7, may naitala nang 47 kaso ng leptospirosis. Ayon kay DOH Regional Epidemiologist Dr. Eugenia Mercedes Cañal, pinakamarami ang kaso sa Bohol na may 19; Cebu province. 9; Cebu City, 7; Negros Oriental, 5; at tig-iisang kaso sa Mandaue at Lapu-lapu.

Kapag marumi ang paligid, maraming daga at ang mga ito ang karaniwang pinanggagalingan ng virus. Ayon sa DOH, hindi lamang sa ihi ng daga nagmumula ang leptospirosis kundi maging sa iba pang hayop.

Kapag pumasok ang virus sa binti at paa, lilitaw ang mga sintomas ng leptospirosis. Makararanas ng lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo at kulay tsa ang ihi.

Karamihan sa mga nagkaka-leptospirosis ay mga bata na madalas magtampisaw sa baha. Sa mga kalsada sa Merto Manila karaniwan nang makakakita ng mga batang nakalublob sa baha. Mayroon ding dumadayb sa estero. Walang pakialam ang mga bata habang naglulunoy sa baha. Bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Magtulung-tulong ang mamamayan sa paglipol sa mga daga na naghahatid ng leptospirosis. Ang unang hakbang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at sa loob ng bahay. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng mga basura, tiyak na walang daga. Hindi nabubuhay ang mga daga sa malinis na kapaligiran.

Magkaroon pa nang malawak na kampanya ang DOH laban sa leptospirosis upang ma­imulat ang mamamayan sa nakamamatay na sakit.

vuukle comment

DOH

LA NIñA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with