Seaman na tinanggal sa trabaho
Sa ilalim ng Migrant Workers and Overseas Filipino Act na ipinasa noong Hulyo 15, 1995, ang isang OFW na tinanggal ng walang sabi-sabi ay maaaring maghabol sa unexpired portion o natitirang kontrata niya o kaya ay maghabol ng tatlong buwan na suweldo sa kada taon, kung alin ang mas mura. Ibig sabihin ba nito na tatlong buwang suweldo lang ang makukuha niya kung ito ang mas mababa? Alamin natin sa kaso ni Jerry.
Si Jerry ay natanggap na Chief Cook Steward sa isang barkong Griyego na may kontrata sa loob ng 10 buwan at suweldo na $600. Pagsampa sa barko ay hindi lang trabaho ng Chief Cook kundi pati Assistant Cook at Messman ang pinagawa sa kanya. Pinagagawa rin sa kanya ang imbentaryo pati pagkuha ng mga gamit.
Hindi nakapagtataka na pagkaraan lang ng isang buwan ay nagkasakit siya. Hiningi niya na magpatingin sa doktor pero hindi pumayag ang Kapitan ng barko. Mabuti at pagdating sa Europa ay nagbago ang isip nito kaya nasuri siya pagdaong sa piyer.
Hindi sinabi ng doktor kay Jerry kung ano ang kanyang sakit. Hindi rin nag-abala ang doktor na bigyan siya ng medical certificate pero ang sabi ay pinadala na ito sa kanyang boss.
Pagdating sa barko ay inutos kay Jerry na magbalot na at babalik na siya sa Pilipinas nang sumunod na araw. Mayroon daw siyang lihim na sakit na hindi matukoy kung saan nagmula. Kaya mahigit lang dalawang buwan mula sumakay siya ng barko ay pinauwi na si Jerry sa Pilipinas. Ibinalik ang kanyang Seaman Record Book na nakalagay na parehong napagkasunduan ang pagbalik niya sa Pilipinas. Ang kapitan ang nagsulat nito at ang palusot ay si Jerry daw mismo ang humingi na pauwiin siya. Itinanggi ni Jerry ito at nagsampa ng kasong illegal dismissal sa kompanya.
Totoo nga na ang ginawang pagtanggal kay Jerry bago pa natapos ang kanyang kontrata ay bawal at malinaw na paglabag sa Standard Employment Contract. Inutos sa shipping company na bayaran ang natitirang suweldo ni Jerry sa kontrata na aabot ng $5,100. Kinuwestiyon ito ng kompanya at ang pinipilit ay tatlong buwan na suweldo lang ang dapat nilang bayaran sa ilalim ng RA 8042. Tama ba ang kompanya?
Mali. Ang sinasabing pinapayagan na piliin kung tatlong buwan na suweldo o ang natitirang durasyon ng kontrata ang babayaran sa isang OFW ay uubra lang sa isang employment contract na tatagal ng isang taon o mas maikli pa. Malinaw ito sa pagkakasulat na nagsasabing kada taon ng “unexpired portion” na sinusundan ng “salaries for three months”. Sa kaso ni Jerry ay walang isang taon ang kanyang kontrata.
Kaya may karapatan siya hindi lang sa tatlong buwan na suweldo kundi sa natitirang panahon ng kontrata. Hindi puwedeng kampihan ang kompanya sa katwiran nito na dapat ay tatlong buwan lang ang bayaran kay Jerry. Binabalewala na natin ang batas kung susundin ito. Malinaw ang batas at hindi na kailangan ng interpretasyon (Marsman Manning Agency Inc. vs. NLRC, G.R. No. 127195, August 25, 1999).
- Latest