Tatlong saligang suliranin ng bansa
NU’NG dekada-’60 sinuri ng Kaliwa ang tatlong saligang suliranin natin.
Una umano ay imperyalismong Amerikano, ang kontrol ng dating kolonyalista sa ating ekonomiya at kultura. Ikalawa ay pyudalismo, o monopolismo ng malalaking panginoong may lupa sa sakahan na binebenta sa Amerika. Ikatlo ay burukrata kapitalismo, o pagsolo ng mga nasa gobyerno sa malalaking industriya.
Inihambing ang lipunan sa pyramid. Sa tuktok ay iilang mayayaman. Sa gitna ay kokonting middle class. Sa ilalim ay masa ng maralitang manggagawa at magbubukid.
Animnapung taon ang lumipas. Malakas ngayon ang pwersang Kanan. Pero gan’un pa rin ang pagsusuri sa lipunan. Tatlo ang batayang problema ng bansa, usap-usapan sa chat groups ng retiradong heneral.
Una, ang imperyalismong China, o pang-aagaw ng dambuhalang kapitbansa sa ating dagat at kalakalan. Ikalawa, oligarkiya, o kontrol ng malalaking negosyante sa iilang industriya. Ikatlo ay political dynasties, o paghahari ng iilang pamilya sa pambansa at lokal na gobyerno.
Pyramid pa rin ang lipunan. Sa tuktok ang iilang kumikita ng bilyong piso kada taon. Sa gitna ang mga may pinag-aralan. Sa ilalim pa rin ang maralitang mayorya.
Dalawang isyu ang paulit-ulit na sumisira sa bansa. Una, katiwalian. Tig-bilyong piso ang binubulsa ng mga mambabatas bawat taon mula sa pera ng bayan. Ikalawa, dinadaya ang halalan para manatili ang political dynasties.
Bigo ang rebolusyon ng ekstremistang Kaliwa. Pero ang mga heneral na tumalo sa kanila ay galit din ngayon sa sitwasyon. Sinusulong nila ang reporma para sa pagpantay-pantay ng mamamayan. Sana magwagi sila. Kundi’y karahasan na naman ang kauuwian.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest