Bagong gawang condominium sa Japan, ide-demolish dahil nakaharang sa view ng Mt. Fuji!
Isang condominium sa Tokyo, Japan ang ide-demolish matapos ireklamo na sinisira nito ang magandang view ng Mt. Fuji!
Inanunsiyo kamakailan ng sikat na Japanese real estate developer na Sekisui House Ltd. na gigibain na nila ang itinayong condominium sa western Tokyo kahit malapit na ang turnover date nito sa mga nakabili ng unit.
Ang condominium ay matatagpuan sa isang kalsada sa Kunitachi city kung saan may magandang view ang pinakatanyag na bundok sa Japan, ang Mount Fuji. Nang sinimulan ang proyekto noong January 2023, maraming residente ng Kunitachi ang tumutol sa konstruksyon nito.
Nagawa pang makipag-meeting ng developer sa mga residente at nakipag-kompromiso sila na gagawin na lamang 10 storey ang condominium kumpara sa orihinal na plano nito na 11 floors. Bababaan na rin ang kisame ng bawat unit upang hindi maging mataas ang building at hindi ito makaharang sa view ng bundok.
Ang Mt. Fuji para sa mga Hapones ay isang sagradong bundok at hindi ito dapat hinaharangan. Ito ay isang simbolo ng kabanalan at espiritwalidad sa relihiyong Shintoism, ang tradisyunal na relihiyon sa Japan. Ito ay pinaniniwalaang tirahan ng mga diyos at espiritu. Ang bundok mismo ay itinuturing bilang isang “Kami” na ang ibig sabihin sa salitang Japanese ay Diyos.
Nang malapit nang matapos ang konstruksyon ng condominium, napansin ng mga residente na nakaharang pa rin ito sa Mt. Fuji kahit in-adjust na ang taas ng building. Dahil dito, nagprotesta muli ang mga residente kaya nagpasya na ang Sekisui House na gibain na lang ito. Sa kasalukuyan, ni-refund na ang pera sa mga buyer ng condo na napabalitang nagkakahalaga ng 80 million yen ang bawat unit dito.
Ang condo na nakatakdang gibain dahil nakaharang sa view ng Mt. Fuji.
- Latest