EDITORYAL - Kaso ng cholera mabilis ang pagtaas
MULA Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 773 kaso ng cholera at mayroon nang isang namatay. Ayon sa DOH, pinakamarami ang kaso ng cholera sa Eastern Visayas na may 702, sinundan ng Bicol, 39 at Cordilleras, walo. Apat naman ang mga naitalang kaso ng cholera sa Northern Mindanao at Caraga at dalawa sa Calabarzon.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 1,248 kaso ng cholera. Pinakamaraming kaso sa Eastern Visayas, Davao at Caraga Region. Labintatlo ang naitalang namatay dahil sa cholera at karamihan umano ay mga bata.
Noong nakaraang taon, tanging ang Pilipinas sa Western Pacific at isa sa 30 bansa sa mundo na may naiulat na cholera, ayon sa Global Cholera and AWD Dashboard of the World Health Organization.
Ang cholera ay galing sa bacteria na nakukuha sa ininom na kontaminado o maruming tubig. Nanggagaling din ang bacteria sa maruming kapaligiran kung saan dumudumi ang mga residente. Namamalagi ang bacteria sa maliit na bituka dahilan para ang biktima ay magkaroon ng diarrhea hanggang maubusan ng electrolytes at magiging sanhi ng kamatayan.
Kawalan ng malinis na inuming tubig at kubeta ang itinuturong dahilan nang pagkalat ng cholera sa maraming bahagi ng bansa. Marami sa mga residente ang sumasalok ng tubig sa mga balon, bukal, ilog at sapa. Hindi na pinakukuluan ang tubig kaya nananatili ang bacteria at ito ang naiinom nila.
Dahilan din ang kawalan ng kubeta sa maraming liblib na lugar. Kung saan-saan dumudumi ang mga residente at humahalo ito sa mga pinagkukunan nila ng inuming tubig.
Ayon sa report 40 milyong Pilipino ang walang malinis na inuming tubig. Sabi ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), karamihan sa mga Pinoy ay umiigib ng inuming tubig sa bukal, sapa at sumasahod ng tubig ulan. Karamihan sa kanila ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM). Ayon pa sa opisyal, wala ring kubeta ang karamihan sa mga Pilipino. Isa sa mga naiisip nilang paraan para mabigyan ng malinis na tubig ang mamamayan ay ang desalination process kung saan ang tubig mula sa dagat ay mako-convert sa fresh water.
Ngayong nalalapit ang tag-ulan, pinangangambahan ang pagdami pa ng kaso ng cholera. Ayon sa DOH, mayroong bakuna laban sa cholera subalit may shortage dito. Ipinapayo ng DOH sa mamamayan ang regular na paghuhugas ng kamay lalo na kung matapos dumumi, kalinisan sa katawan at mahalagang pakuluan ang inuming tubig. Madaliin naman sana ng pamahalaan ang pagkakaloob nang pagkukuhaan ng malinis na inuming tubig para sa mamamayan para iwas cholera.
- Latest