^

PSN Opinyon

Susi ng OFW sa tagumpay: Tiyaga, tiwala at determinasyon

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang ang 46-anyos na si Malou Prado sa mga overseas Filipino worker na naging matagumpay na negosyante sa ibang bansa pagkatapos dumaan sa mahabang pagsubok sa buhay.Siya ang may-ari ng MPQ Travel and Tourism na itinatag niya sa Dubai sa United Arab Emirates (UAE) noong 2013. Ibig sabihin ng MPQ: Malou Prado-Quinto. Meron na ngayong tatlong sangay ang kanyang kumpanya sa Dubai at merong tig-isa sa United States at sa Pilipinas.

Gayunman, tulad sa ibang mga OFW, dumaan din si Prado sa maraming hamon, pagtitiis at pakikibaka bago niya narating ang tagumpay.  Ayon nga sa isang artikulo sa Gulf News, ang buhay niya ay isang testamento ng kapangyarihan ng pagtitiyaga at tiwala sa sarili.

“Ang pagtanggap sa mga pagsubok bilang oportunidad sa pag-asenso, laging pakikibagay at pagkakaroon ng malakas na work ethic ang na-ging susi sa  mga tinamo kong tagumpay. Naniniwala ako na para magtagumpay, kailangang maging determinado at matatag. Yakapin ang mga pagsubok at huwag kaligtaan ang iyong mga hangarin. Hayaang mapaligiran ka ng mga tao na kapareho ng sa iyo ang mga pananaw at kahalagahan dahil krusyal ito sa iyong tagumpay,” wika niya sa Ingles sa  Gulf News.

Ibinahagi niya ang ilan niyang mga kaugalian sa pagtitipid at pag-iipon: Magtakda ng mga layuning pinansiyal  (Nang magsimula akong magnegosyo, nagtakda ako ng mga layunin para malawak ang negosyo ko at magkaroon ng seguridad ang kinabukasan ng pamilya ko); Magbadyet dahil napakahalaga ng pangangnasiwa sa pera (Masipag ako sa pagbabadyet para matunton ko ang kinikita ko, paglawak ng  negosyo, personal na gastusin na dahilan para makapagtabi ako ng maiipon na pera);  Unahin ang pag-iipon (bago ang lahat, tinitiyak ko na meron akong naitatabing pera para sa kinabukasan. Tinatrato ko ito na isang bagay na hindi mapagtatalunan); at magkaroon ng paraan na walang utang (naiintindihan ko na isang pabigat ang mabaon sa utang. Pinaprayoridad ko na magpaliit lang ang mga utang. Kung malaya sa mga utang, lalo akong makakapokus sa pag-iimpok at pamumuhunan nang pangmatagalan).

Lumaking mahirap si Prado sa Cavite sa Pilipinas. Tumutulong siya noon sa kanyang ina sa pagtitinda ng tinapa sa palengke. Natatandaan niya ang turo ng kanyang mga magulang na ang edukasyon ang tanging tiket para makatakas sa kahirapan. Nagtiyaga siyang mag-aral hanggang  makatapossiya ng  Bachelor of Science in Business Administration sa Lyceum University Manila.

Pagkatapos ng graduation, naging factory worker siya sa Taiwan noong 1999. Dito niya nakilala ang asawa niyang si Ro-bert Prado na kasama na niya sa pag-uwi sa Pilipinas nang matapos ang work contract niya noong 2004. Pero wala siyang makuhang trabaho sa Pilipinas kaya nagpasya siyang pumunta sa UAE.

Visit visa lang ang ginamit niya patungong UAE. Nahirapan siyang makahanap ng matatag na trabaho sa unang tatlong buwan. Nagpapabago at nagpapa-extend siya ng visa at pinapasok ang kung ano-anong trabaho tulad ng cleaner, helper, food server, at saleslady. Naging tagabitbit siya ng mga silya at lamesa sa mga wedding parties at ibang events, naghuhugas ng pinggan at kumikita lang siyang DH80 hanggang 100 kada araw. Kung minsan, pinapakain lang siya ng mga organizer at hindi siya binabayaran para sa kanyang mga serbisyo.

Madalas na ramen noodles at shawarma lang ang kinakain niya. Umuupa lang silang mag-asawa ng bed space sa Dubai. Wala siyang kapera-pera. Nadudurog ang puso niya dahil hindi siya makapagpadala ng pera sa kanyang pamilya at hindi niya masuportahan ang kanyang tatlong-buwang gulang na anak na naiwan sa Pilipinas.

Gayunman, patuloy ang paniniwala ni Prado na darating din ang tamang oras para sa kanya.  Nagdarasal siya at humihingi ng gabay at tulong sa Diyos.  Hanggang, isang araw, isang UAE national na nagbukas ng bagong travel agency ang nag-alok sa kanya ng trabaho bilang freelance agent noong 2006. Tinanggap niya ang trabaho kahit walang regular na suweldo at kikita lang siya sa komisyon.

Pinadala siya sa isang training, nag-research siya, dumalo sa mga seminar at nag-self study para matutuhan niya ang mga pasikot-sikot sa negosyo ng travel agency. Naging travel manager siya hanggang sa maitatag niya ang MPQ Travel and Tourism.

Dumaan at nakalagpas sa mga pagsubok ang kanyang ahensiya tulad ng mahigpit na kompetisyon sa industriya at ang pandemya ng Covid-19.  Kumonti ang mga kustomer, nabawasan ang mga biyahe ng eroplano, at nagsara ang kanyang opisina dahil sa lockdown.  Nakatulong na ang kanyang kumpanya ang isa sa mga ahensiyang kinuha para mag-organisa ng biyahe ng mga eroplanong maghahatid sa mga OFW pauwi sa Pilipinas noong kasagsagan ng pandemya.

Nalagpasan niya ang mga pagsubok at naging matiyaga sa nagdaang mga mahihirap na taon sa suporta ng kanyang asawa.  Sa ngayon, meron na silang sariling bahay sa Pilipinas at nakabiyahe na sila ng kanyang pamilya sa Europe, America at Middle East.  Plano ni Prado na palawakin sa iba pang mga bansa ang presensiya ng kanyang ahensiya.

* * * * * * * * * * *

Email -  [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with