Sikreto ng buhay
“HUWAG mo akong alalahanin, anak. Magpakahusay ka lang sa pakikitungo sa kapwa at sa pag-aaral. Balang araw makakamit mo lahat ng nais mo, labis pa sa pinangarap mo.”
Ang mga salitang ‘yan ang pinakapampalakas ng loob ng magulang sa musmos. Dose-dosenang talambuhay na ang nabasa ko. Lahat ng matagumpay na tao ay naaalala ang pangaral na ‘yan mula sa ama o ina. Nagkaka-totoo ang mga salita.
Walang malisya o komplikasyon ang isip ng bata. Tinatanggap na tama lahat ng naririnig sa matatanda. Habang lumalaki, sinusunod ang pangaral na magpakatino. Nababatid ang sikreto ng buhay.
Kuwento ng mga bilyonaryo, hindi sila nahumaling sa salapi. Ginawa lang nila ang pinakanais. Mula ru’n tumanyag at yumaman sila.
Halimbawa niyan si Bill Gates, founder ng Microsoft at naging pinaka-mayaman na tao sa mundo nu’ng dekada-2000. Isang bakasyon mula sa eskuwela, nakiusap ang 16-anyos na Bill na dalhin siya ng abogadong ama sa pabrika ng kaibigan nito.
Dalawang buwan gabi-gabi kinutingting ni Bill ang mainframe computer doon. Kasinglaki ng isang kwarto. Nasa kolehiyo si Bill nang-inimbento niya ang personal computer. Kasya sa bag.
Naging $55 bilyon ang yaman ni Bill. Dinaig siya ni Warren Buffett, $60 bilyon. Walang karangyaan sa buhay si Warren. Gabi-gabi nagpa-popcorn lang silang mag-asawa habang nanonood ng TV.
Pinagsama nina Warren at Bill ang yaman nila sa Bill and Melinda Gates Foundation. Nagbitiw si Bill sa Microsoft para fulltime ipamigay ang pera sa kawanggawa. Kabilang dito ang saliksik ng murang gamot kontra sa malulubhang sakit tulad ng smallpox at malaria.
May mga tao na obsessed sa pera. Kabaliktaran ang nangyayari sa buhay nila. Nagiging mailap ang pera. Hindi nila alam ang sikreto.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest