Walang bisang dokumento
Kapag ang isang taong mangmang ay pumirma sa isang dokumento ipinapalagay na may katiwalian o pagkakamali sa paggawa ng dokumento. Paano maaalis ang pagpapalagay na ito? ‘Yan ang sasagutin ng ating kaso ngayon.
Kaso ito ng dalawang lupa ni Simon pero wala pang titulo. Nang namatay si Simon mayroon siyang limang anak. Pagkaraan ng 50 taon, dalawang anak nya na si Gina at Fred ay pumirma sa isang dokumento na inililipat ang lupa sa dalawang apo na si Jun at Lina. Nang pinirmahan ito ni Gina, matanda na siya at isang mangmang o di makabasa at sumulat kaya tinatakan niya ng kanyang hinlalaki (thumbmark) ang dokumento.
Pagkaraan ng tatlong taon, si Gina mismo ang nagsampa ng kaso sa Regional Trial Court (RTC) na ipawalambisa ang nasabing dokumento dahil sinamantala raw ng mag-asawang Jun at Lina ang kanyang katandaan at kamangmangan sa pagkuha ng kanyang thumbmark. Sabi niya ang sinabi ng mag-asawa sa kanya na ang dokumento ay isang ebidensya lang ng pagkakautang sa kanila imbes na inililipat na ang pag-aari ng lupa sa kanila.
Kaya sabi ni Gina na ang dokumento ay walang bisa dahil (1) hindi ito ang totoong kasunduan nila; (2) ang mga partido sa kaso ay hindi lang ang mga legal na tagapagmana; (3) siya ay mangmang at matanda na, kaya hindi niya naintindihan ang kanyang pinirmahan; (4) hindi siya talaga humarap sa notaryo; (5) wala talaga siyang cedula at (6) siya pa rin ang nakaokupa sa lupa.
Bilang sagot, sinabi ng mag-asawang Jun at Lina na may bisa ang dokumento at walang bahid ng paglilinlang at daya na mga kathang isip lamang ni Gina. Ayon sa kanila ang dokumento ay nakatupad sa lahat ng kailangan ng batas upang ito ay marehistro at may mga saksi sa pag-“thumbmark” ni Gina.
Nagpasya ang korte pabor kay Jun at Lina at hindi ginawad ang petisyon ni Gina. Sinabi nito na hindi napatunayan ni Gina na ang kanyang “thumbmark” ay nakuha sa pamamagitan ng pandaraya at paglilinlang.
Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon. Sabi nito na kung ang isang tao ay mangmang pinalalagay ng batas ng mayroong paglilinlang, pagkamali at pandaraya (Article 1332 Civil Code).
At ang pagpapalagay na ito ay hindi napangibabaw ng mga ebidensya ni Jun at Lina dahil hindi nila napatunayan na buong pinaliwanag nila ito kay Gina bago siya nag-“thumbmark”. Tama ba ang CA?
Tama sabi ng Supreme Court (SC). Napatunayan naman ni Gina na siya ay mangmang at hindi marunong bumasa at sumulat nang siya at ang kanyang anak ay tumestigo. Sinabi ni Gina na wala naman sa kanilang anak ang nagpaliwanag sa kanya ang nilalaman ng dokumento noong nilagay niya ang kanyang “thumbmark” sa dokumento.
Kahit na notaryado ang dokumento hindi ito nagpapahiwatig na talagang tama ang pumirma sa dokumento. Ang pagpapalagay ng batas na regular ang pagsasagawa ng dokumento ay hindi nararapat na gamitin sa kasong ito dahil nga kinuwestiyon at nilabanan ang pagkapirma ng dokumento.
Dahil nga si Gina ay matanda na at mangmang hindi napatunayan ng mag-asawa na regular ang dokumento sa pamamagitan ng malinaw at nakakakumbinsing ebidensya, (Spouse de Vera and Padilla, vs Fausta Catungal etc, G.R 211687, February 10, 2021).
- Latest