Divorce tiyak na
Marami pa rin ang tumututol sa pagkakaroon ng diborsiyo sa Pilipinas at kasama na ako riyan. Anila, lalong mawiwindang ang mga pamilyang Pilipino kapag nagkaroon na ng batas sa diborsiyo.
Ngunit lumilinaw ang katotohanan na hindi na magtatagal at magkakaroon na ng ganitong batas sa gusto natin o hindi. Marami na kasi ang kumbinsido na kailangan na natin ito. Sabi nga, Pilipinas na lang at Vatican ang walang diborsiyo.
Matapos maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan, nasa kamay na ito ng Senado, at sa tingin ko, bagamat may ilang tututol dito, halos in the bag na ang batas. Itatanong marahil ng iba, bakit dumarami ang bilang ng mga Pilipinong gusto sa diborsiyo? Hindi pa ba sapat na mayroon na tayong annulment of marriage sa ilalim ng family code?
Masalimuot at mahabang proseso ang annulment bukod sa magastos. Sa ipinapanukalang absolute divorce law, ginawang mas mabilis ang proseso sa mga kaso ng mag-asawa na hindi na puwedeng pagkasunduin.
Klasikong halimbawa rito ang physical abuse na naglalagay sa panganib ng isang asawa, babae man o lalaki. Naririyan din yung mga ikinakasal hindi dahil sa sarili nilang kagustuhan kundi ng kanilang mga magulang.
Dapat marahil pag-aralan din ng mga mambabatas ang sari-saring sirkumstansiya at dahilan kung bakit may ganyang uri ng mga pagkakasal at sikapin ding makabuo ng batas upang magtatakda ng pamantayan at alituntuning susundin bago payagang maikasal ang mga magkasintahan.
Isa na lang ang katanungan: kikilalanin ba ng Simbahang Katoliko kapag Ito’y naisabatas na? At kung hindi kikilalanin, handa ba ang mga Katolikong diborsiyado na lumipat ng relihiyon kung sakali?
- Latest