Teenager na kinidnap 26 taon na ang nakararaan, natagpuang buhay na nakakulong sa kapitbahay!
Isang lalaki sa Algeria na nawala noong 1998 ang natagpuan kamakailan na nakakulong sa isang bahay na 200 meters lang ang layo sa kanyang bahay!
Bigla na lang nawala ang noo’y teenager na si Omar bin Omran sa kanilang bahay sa Djelfa, Algeria. Taong 1998 noon at kasagsagan ng Algerian Civil War kung saan mahigit 200,000 katao ang namatay at mga nawala.
Marami sa mga kamag-anak at kakilala ni Omar ang inisip na ang pagkawala nito ay may kinalaman sa giyera. Kaya matapos ang ilang buwan ay tumigil na ang pamilya Omran at mga awtoridad sa paghahanap. Ang ina na lang ni Omar ang naniniwalang buhay pa at mahahanap pa ito. Ngunit noong 2013 ay namatay na ito kaya nawala na ang tanging tao na naghahanap at umaasang babalik pa si Omar.
Pagkalipas ng 24 taon, nag-post sa social media ang isa sa mga kapitbahay ng pamilyang Omran na nagpapahiwatig na ang kapatid niya ang kidnapper ni Omar. Sa una ay hindi ito sineryoso ng pamilyang Omran ang social media post dahil kalat sa kanilang lugar na matinding magkaaway ang magkapatid dahil sa awayan sa mana sa lupa.
Pero kalaunan, humingi na rin ng tulong sa mga awtoridad ang pamilya Omran para magkaroon ng search warrant sa naturang kapitbahay. Nitong nakaraang Mayo 12, nagsagawa ng search sa property ng kapitbahay at doon natagpuang buhay ang ngayo’y 45-anyos na si Omar.
Nakakulong ito sa isang underground na kuwarto na nasa ilalim ng kuwadra kung saan nag-aalaga ng tupa ang kidnapper. Kinumpirma ng isa sa mga doktor na tumingin kay Omar na mayroon itong physical at mental problems.
Sa update na inilabas ng Judicial Council ng Algeria, walong katao ang kinasuhan sa kasong kidnapping kay Omar. Anim dito ang nakakulong na at ang dalawa ay under judicial supervision. Ayon sa panayam sa pinsan ni Omar, shocked at takot pa rin ito dahil hindi pa ito sanay na siya ay nasa labas at kasalukuyan itong nasa therapeutic at psychological care.
Ang kinidnap na si Omar bin Omran noong 1998 at natagpuan pagkalipas ng 26 taon.
- Latest