Pilipinas lagapak na bansa ba? (1)
Pinadala kay President Ferdinand R. Marcos Jr. ang sinulat online ng isang Philippine Military Academy graduate 1965:
“Akala ko malapit nang maging ‘failed state’ ang Pilipinas. Ngayon sigurado ako na ‘failed democracy’ na nga. Ito’y dahil sa kawalang aksyon ng Korte Suprema sa petisyon ng TNT Trio. At sa pagbale-wala ng Senado at ng Kamara de Representantes sa pag-amin ni Comelec Chairman George Garcia na, ika nga ni Sen. Koko Pimentel, Ang ating sistemang Halalan ay isang malaking private network pala.”
Sinusukat taun-taon ng Fund for Peace ang “fragile states” (dati ang tawag ay “failed”). At sa totoo lang, umangat ang Pilipinas sa listahang ito ng 179 bansa. Mula ika-49 nung 2021, naging ika-50 ang Pililpinas nung 2022, at ika-61 nung 2023.
Ika-1 hanggang-10 ang mga lumpong bansa: Somalia, Yemen, South Sudan, Democratic Republic of Congo, Syria, Afghanistan, Sudan, Central African Republic, Chad, at Haiti.
Parating nasa taas ang matatatag: Norway, Iceland, Finland, New Zealand, Switzerland, Denmark, Canada, Ireland, Luxembourg, Sweden.
Lulong sa rebelyon, gutom, kawalan-hustisya, at pagkahati-hati ang mga basag na bansa. Deka-dekada na sila sa ganung kalagayan.
Kinaiinggitan ang sampung mataas sa katahimikan, kaginhawaan, katarungan, at katatagan.
Kung hahatiin sa tatlo ang 179 bansa, malilinya ang Pilipinas sa mabababa. Angat lang sa Solomon Islands, Honduras, Eswatini, Papua New Guinea, at Columbia. Nasa ilalim ng Nicaragua, Timor-Leste, Guatemala, Tanzania, at Lesotho.
Mananatili ba ang Pilipinas sa Ika-61? (Itutuloy bukas)
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest