^

PSN Opinyon

Ang varicose veins at carpal tunnel syndrome

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Napakarami ang may problema sa varicose veins o ‘yung malalaking ugat sa paa at kamay. Hindi ito magandang tingnan at minsan ay sumasakit pa. Mabigat at pagod ang paki­ramdam ng may varicose veins. Ano ang solusyon dito?

1. Huwag ma-guilty – Mga 17 percent ng pasyente ay may varicose veins. Ito ay dahil namana natin ito sa ating mga magulang.

2. Itaas ang kamay o paa – Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng ating mga ugat. Kapag laging nakababa ang ating paa, mag-iipon dito ang dugo at mamamaga ang ating ugat. Kaya umupo at ipatong ang paa sa isang silya o kutson. Ipatong din ang kamay sa isang unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.

3. Magsuot ng support stockings o masikip na medyas – Mabibili ito sa mga SM department store o sa medikal na tindahan. Ayon kay Dr. Katty Go, ang support stockings o compression stockings ang pinakamabisang lunas sa varicose veins. Gamitin ito palagi.

4. Huwag tumayo ng ilang oras – Kung ang trabaho mo ay security guard, pulis o saleslady, puwede kang magka-varicose veins. Galaw-galawin ang iyong paa habang naka­tayo. Parang nag-e-exercise ka para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso. Kung puwedeng umupo ay mas mainam sana. Sundin ang naunang payo na mag-stockings o mag-medyas ng masikip!

5. Itaas ang paa habang natutulog – Ipatong ang paa sa isang unan para mabawasan ang pag-iipon ng dugo rito.

6. Huwag magsuot ng masikip na pantalon – Kapag masikip ang ating pants o maong, puwedeng maipit ang ugat sa paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa mga ugat.

7. Kumain ng mga gulay – Mataas sa fiber ang patola, pechay, okra, at kangkong na makatutulong para hindi magka-varicose veins.

8. Kumain ng prutas – Ang prutas tulad ng papaya at pinya ay may fiber din. Sa tulong nito, magiging regular ang iyong pagdumi. Kapag malambot ang inyong dumi, makaiiwas kayo sa varicose veins at sa almoranas din.

* * *

Carpal tunnel syndrome

Kung ang daluyan ng ugat (nerve) ay nabarahan o namaga, naiipit ang nerve at nakaaapekto sa pakiramdam at paggalaw ng kamay. Ang sobrang pressure ay maaring maging sanhi ng carpal tunnel syndrome. Kung ito ay hindi gagamutin, posibleng permanenteng masira ang nerve at muscle.

Ang mga factors sa pagkakaroon ng carpal tunnel syndrome ay ang mga mabibigat na trabaho dahil sa pressure sa ating palad, at ang mga paulit-ulit na pagbubuhat ng mabibigat at matinding pagkilos ng kamay.

Mga sintomas:

1. Tingling o pamamanhid ng hinlalaki, hintuturo, gitnang daliri, palasingsingan (hindi kasama ang maliit na daliri). Ang ganitong pakiramdam ay nararanasan sa gabi at paggising. Gayundin habang nagmamaneho, may hawak na telepono o diyaryo.

2. Pakiramdam na parang nanghihina ang mga kamay kaya may pagkakataon na nabibitawan ang hawak.

Tips sa carpal tunnel syndrome:

1. Ipahinga ang kamay – Sa bawat oras ng trabaho, magpahinga ng kahit 5 minuto, dahan-dahang i-stretch ang palad at kamay.

2. Baguhin ang iyong mga gawain – Mas mabuti kung baguhin o ibahin ang mga gawain kung ito ay posible.

3. Ideretso ang kamay – Iwasang baluktutin ang palad ng pataas o pababa. I-relax o huwag masyadong higpitan ang paghawak. Iwasang humawak nang mahigpit habang nagmamaneho, nagbibisikleta at nagsusulat.

4. Lagyan ng mainit ang kamay (hot compress) – Puwede ring magsuot ng gloves para mapanitiling mainit ang kamay at palad.

5. Gumamit ng wrist splint sa gabi para deretso ang porma ng kamay – Ang wrist splint ay nakatutulong mabawasan ang sakit o pamamanhid ng palad at kamay. Ang splint ay dapat na hindi sobrang sikip. Ayaw natin naka-baluktot ang kamay dahil naiipit ang nerve.

Kung ang sintomas ay lumalala, mag-patingin sa doktor. Ang splints, therapy o injection ay puwedeng irekomenda ng doktor. Kung nawawalan na ng lakas ang kamay, puwede itong operahan kung kinakailangan

VEINS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with