Kilo/s Kyusi at Earth Day
NAPAKAGANDA ng timing ng paglulunsad ng ating kauna-unahang permanent store ng Kilo/s Kyusi: Kilo Store ng Bayan noong Lunes (Abril 22) sa Quezon City Hall Park and Lagoon.
Sa pangunguna ng Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO), tampok sa ating Kilo/s Kyusi Store ang mga pre-loved at brand new na mga gamit at damit.
Ibinebenta ang mga ito sa dalawang paraan: per kilo kung saan nakadepende ang presyo ng pre-loved items sa bigat nito, o per piraso, kung saan makakakita ang mga customer ng mas bago at mas-dekalidad na gamit.
Sa ganitong paraan, nakakatulong tayo sa kalikasan dahil ang mga damit ay hindi nasasayang. Sa halip na itapon, napapakinabangan pa sila ng ibang may-ari. Isang paraan ito ng pagtataguyod ng paggamit muli ng mga damit at mabawasan ang basurang dulot ng “fast fashion”. Ayon sa datos, mahigit 60% ng mga damit ngayon ang gumagamit ng synthetic fibers tulad ng plastic. Kaya kung mababawasan ang palagiang pagtatapon ng damit, mababawasan rin natin ang kalat at plastic sa paligid.
Tampok din sa pagdiriwang ng Earth Day ang isang fashion show kung saan ipakikita ang mga damit na gawa sa recycled at upcycled na tela sa Abril 26 sa SM Novaliches.
Gaya ng mga naunang bersyon ng ating Kilo/s Kyusi Kilo Store, gagamitin ang kita rito sa pagpapalakas ng learning recovery initiatives ng siyudad sa pamamagitan ng iba’t ibang tutoring programs para mahasa ang numeracy at literacy skills ng mga bata.
Noong 2023, ang pagkilos na ito, na kilala bilang Zero Illiteracy sa QC program, ay nakatulong sa 1,272 QC public school students mula sa 25 paaralan. Bawat estudyante ay nakatanggap ng 50 oras na tutoring sa loob ng 25 sessions. Nakapagbigay pa tayo ng trabaho sa 137 tutors.
Bago binuksan ang ating kauna-unahang permanent store, ang unang Kilo/s Kyusi Store ay inilunsad noong Hulyo 17–21, 2023, sa Inner Lobby ng High Rise Building ng Quezon City Hall.
Ginawa ang ikalawang edisyon nito mula Disyembre 15, 2023, hanggang Enero 1, 2024, sa POP QC Mercadillo sa Quezon Memorial Circle. Kumita naman ito ng ?103,722 para sa QC Learning Recovery Fund. Nag-donate naman ang Ace Events, na siyang co-organizer ng POP QC Mercadillo, ng dagdag na ?500,000 para sa programang pang-edukasyon ng siyudad.
Nananawagan ako sa QCitizens na mag-donate ng pre-loved clothes sa Kilo/s Kyusi Kilo Store at bumili ng mga damit na donasyon ng iba’t ibang opisyal ng lokal na pamahalaan para makatulong kayo sa ating Zero Illiteracy sa QC program.
- Latest