Babae, nagdala ng bangkay sa banko para makakuha ng loan!
Sang babae sa Brazil ang inaresto matapos magdala ng bangkay sa isang banko para gamitin sa pagkuha ng loan!
Noong Abril 16, pumunta ang 42-anyos na si Erika de Souza Vieira Nunes sa Bangu branch ng Itau Unibanco para samahan at alalayan ang 68-anyos na si Paulo Roberto Braga na kukuha ng bank loan na nagkakahalaga ng 17,000 Brazilan Real (katumbas ng P185,000).
Nakaupo sa wheelchair si Braga at ang pakilala ni Nunes ay pamangkin siya nito at siya ang tagapag-alaga nito. Agad napansin ng mga empleyado ng banko na may kakaiba sa kilos ng dalawa dahil kailangan pang alalayan ni Nunes ang ulo ng matanda dahil tila humihibay ito at wala nang lakas para makaupo nang tuwid.
Nang tanungin si Nunes kung bakit parang walang malay ang matanda, ipinaliwanag nito na mahiyain ang kanyang tiyuhin at tahimik itong tao.
Sa video na kuha ng isa sa bank employees, makikitang kamay na lamang ni Nunes ang nagpapagalaw sa ulo ng matanda. Nagkukunwari pa ito na kinakausap ang matanda kahit halata naman na hindi na nito kayang tumugon.
Nang halatang-halata na wala nang buhay ang matanda, tumawag na ang mga bank employees ng ambulansiya at ng pulis. Pagdating ng paramedics, nakumpirma na dalawang oras nang patay si Braga. Agad inaresto si Nunes at kinasuhan ito ng “vilification of a corpse” at “attempted fraud”.
Nag-viral sa mga social media websites ang naturang video at naging news headline sa buong Brazil.
Sa panayam sa abogado ni Nunes, pinabulaanan nito ang mga news report tungkol sa insidente na nangyari sa banko. Buhay pa raw si Braga nang dalhin ito sa banko at namatay lang ito habang pinuproseso ang loan.
Ngunit sa mga CCTV footage na nakalap ng mga awtoridad, mapapanood na wala nang buhay si Braga habang papunta pa lamang sila sa banko. Napag-alaman din na hindi pamangkin ng matanda si Nunes at isa lamang itong malayong kamag-anak. Hindi pa malinaw sa mga pulis kung si Nunes ba talaga ang caregiver ng matanda.
Sa kasalukuyan, nililitis pa ang kaso ni Nunes at hinihintay kung ano ang kaparusahan na ipapataw dito.
- Latest