EDITORYAL - Nakakakilabot
SINABI ni President Ferdinand Marcos Jr. na nakakakilabot ang gentleman’s agreement na pinasok ni dating President Rodrigo Duterte sa China na may kaugnayan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ayon kay Marcos, nangilabot siya sapagkat lumalabas na kailangan pang humingi ng permiso ang Pilipinas sa ibang bansa para makagalaw sa sariling teritoryo. Sabi pa ni Marcos mahirap sundan ang ganyang klaseng kasunduan. Kailangan daw makausap niya ang Chinese Ambassador na si Huang Xillian para malaman kung ano ang pinag-usapan at pinagkasunduan ng China at ng Duterte administration. Gusto niyang malaman kung opisyal ang kasunduan o personal lamang nila. Nagtataka si Marcos dahil walang record ang gobyerno sa pinasok na gentleman’s agreement. Ayon kay Marcos, hindi ito maganda.
Talagang nakakakilabot at nakapanggigil din ang pinasok na kasunduan ni dating President Duterte kay Xi Jinping. Lumalabas na pagtraidor ito sa bansa. Sinubo sa isang kasunduan na ang Pilipinas ang magiging kawawa sa sariling teritoryo. Malinaw na kaya sobrang agresibo ng China sa WPS ay dahil mayroon silang kasunduan sa dating Presidente ng Pilipinas. Kaya malakas ang loob ng China na bombahin ng tubig at banggain ang mga barko ng Pilipinas ay dahil sa kasunduan kay Duterte. Pinanghahawakan ng China ang kasunduan sa dating Presidente ng Pilipinas at handa silang ipaglaban iyon. Hindi lamang ang Philippine Coast Guard ang nakakaranas nang pangha-harass kundi pati mga mangingisda. Maraming beses nang itinaboy ang mga mangingisda sa Scarborough Shoal. Pati mga Pinoy researchers ay hina-harass ng China.
Nabulgar ang “gentleman’s agreement” dahil kay dating presidential spokesperson Harry Roque. Ayon kay Roque, nakalatag sa kasunduan na tanging mga pagkain at tubig lang ang dadalhin ng Pilipinas sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Walang materyales na kasama para kumpunihin ang lumang barko.
Kaya raw nagrereklamo ang China ay dahil nagdadala ng repair equipment ang mga barko ng Pilipinas para ayusin ang Sierra Madre. Kaya raw ganyan ang kaagresibo ang kilos ng China. Sabi pa ni Roque, maaaring mas maging agresibo ang China kapag ipinagpatuloy ang pagdadala ng materyales para kumpunihin ang Sierra Madre. Nilinaw ni Roque na hindi sikreto ang kasunduan ni Duterte at Xi Jinping dahil isinapubliko umano ito ng noo’y Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Nakapagtataka naman na bakit ngayon lang ito binulgar ni Roque. Sana noon pa niya ginawa ang pagbubulgar para nakagawa na ng hakbang ang pamahalaan sa “gentleman’s agreement” na pinasok. Hinayaan at natiis na bombahin ng tubig, banggain ang mga sasakyang dagat ng Pilipinas at may nasaktan dahil sa “mala-traidor” na kasunduan. Nakakakilabot ang ginawa nila.
- Latest