DENR nagwawasak ng kalikasan (1)
Nu’ng Mayo 2007 nagtayo ang isang Koreano ng resort-spa sa tuktok ng Taal Volcano, Batangas. Nagulat ang mga residente at tourista sa gilid ng Taal Lake sa anim na ektaryang paghuhukay. Mapangwasak, ilegal pa. Protected area ang Taal Volcano. Bawal ang public works pag halalan.
Agad sinubukang pigilan ni Governor-elect Vilma Santos ang bulldozing. Pero winasiwas ng dayuhan ang isang environment comliance certificate. Palaisipan kung bakit nag-isyu ng ECC – at sa magkanong suhol – ang Dept. of Environment and Natural Resources. Limang taon at dalawang hepe ng DENR ang lumipas bago maipasara ang karatig na floating restaurant ng maimpluwensyang Koreano.
Nauna ru’n, Nob. 2004, bumulwak ang putik at libu-libong troso sa mga tirahan at tindahan sa Real, Infanta, at Gen. Nakar, Quezon. Hinayaan ng DENR ang illegal logging sa tabing bundok na pumatay sa 1,068 katao at lumumpo sa 1,061; hindi na natagpuan ang mahigit 500.
2013: Nilisensiyahan ng DENR ang pagmina ng tatlong Chinese ng nickel ore sa Sta. Cruz at Masinloc, Zambales. Kunwari small-scale miners lang na gamit ay pala at piko. Pero 3,000 bulldozers at dumptrucks ang pumatag sa bundok. Ipinantambak ng China ang bato bilang airstrip sa inagaw na Kagitingan at Zamora Reefs ng Pilipinas.
2015: Dalawang beses ginantimpalaan ng DENR ang isang nickel mine sa Surigao na ipinasasara ng Korte Suprema noon pang 2008 dahil sa paghimasok sa karatig na gubat.
2023: Binisto sa Senado ang kulto sa kabundukan ng Surigao na nang-aalipin ng mga babae at bata. Isang dekada na pala mula nu’ng bigyan ng DENR ang kulto ng 353 ektarya sa loob ng protected area. Binakuran ito at tinayuan ng mga konkretong dormitoryo, kapilya, kantina at guardhouses. Ayaw nang umalis ng kulto sa watershed na inangkin bilang pribadong lote. (Itutuloy bukas)
- Latest