EDITORYAL - Political dynasties patuloy pa rin
Nakasaad sa 1987 Constitution na alisin ang political dynasties. Pero walang nangyayari. Lumipas ang 36 na taon pero wala ni isa mang mambabatas na gumagalaw laban sa pamamayagpag ng mga magkakamag-anak—ama, ina, anak, pinsan sa pulitika. Hali-halili. Ngayon ay ang ama at pagkatapos ay ang ina. At sunud-sunod na. Hanggang sa paikut-ikot na lang sa isang pamilya ang pamumuno. Magpapahinga lang at upo na naman.
Ang pamamayagpag ng political dynasties ang isa sa mga dahilan kaya laganap ang korapsiyon. Ginagawa nila ang lahat para makapuwesto at makakurakot. Gumagastos nang malaki para makapandaya. Kung kamag-anak ang nakapuwesto magtatakipan sila at babay na sa mga nakulimbat. Ayaw na nilang umalis sa puwesto dahil nagmistula nang negosyo ang pulitika. Walang lugi. Sigurado ang kita.
Wala naman talagang kikilos o gagalaw sa mga mambabatas para isulong ang anti-dynasty bill. Hindi sila bobo para gumawa ng batas na maaapektuhan ang kanilang ambisyon sa pulitika kasama ang kaanak. Hindi sila gagawa ng batas na magpapatigil sa pamamayagpag ng kanilang pamilya. Hindi sila sira-ulo para gumawa ng batas na papatay sa sarili nila mismo.
Nagpapakita ng pag-asa ang pagkilos ng isang grupo ng mga abogado mula sa University of the Philippines na nagpapasaklolo sa Supreme Court na may kaugnayan sa political dynasties sa bansa.
Kamakalawa, nagsampa sila ng petition for mandamus sa Supreme Court para himukin ang Senado at House of Representatives na magpasa ng batas laban sa political dynasties.
Ayon sa grupo, 37 taon na ang nakalilipas mula nang maratipika ang 1987 Constitution pero hanggang ngayon patuloy na inuupuan ng mga mambabatas ang Sec. 26, Article II na nagbabawal sa political dynasties. Wala silang ginagawang hakbang upang magpasa ng batas ukol dito.
Sana naman, sa pagkilos ng grupo ay mahikayat ang Kataas-taasang Hukuman para utusan ang mga mambabatas na gumawa ng batas para matigil ang political dynasties. Oo nga at karapatan ng bawat isa sa ilalim ng Konstitusyon na humalal at mahalal pero dapat ding tandaan na ang Konstitusyon din ang nag-uutos na wasakin ang political dynasties.
Sana mayroon nang mangyari sa pagkakataong ito.
- Latest