Cyanide fishing salot sa tao, isda, corals
Napabalitang gumagamit ng lasong cyanide ang Chinese fisheries militia sa Panatag (Scarborough) Shoal. Nagnanakaw na nga sila, sinisira pa ang ating bahura. Parang akyat-bahay na winasak ang kandado.
Gas o liquid ang cyanide. Nauso ito sa Europe nu’ng siglo-1700s para pasimpleng patayin ng mga misis ang mapang-aping mister. Hinihinalang binudburan ng cyanide ang pagkain ni Napoleon hanggang mamatay habang naka-exile sa St. Helena.
“Binubugahan ng konting cyanide ang isdang-dagat para maparalisa,” hinaing ni Prof. Michael Atrigenio, PhD sa Marine Science. Tapos, nilalagay ito sa malinis na tubig para magising, at ibinebenta pang saltwater aquarium.
Sina-cyanide ng mga tiwaling mangingisda ang matatabang lapu-lapu na nakalungga sa corals. Tapos, ibinebenta nang buhay bagamat naghihingalo. Naiipon ang cyanide sa atay at muscles ng isda.
Malas ang tao na nakakain ng nilasong isda. Kapag konti lang ang cyanide, siya’y mahihilo, masusuka, manghihina, mananakit ang katawan, at hihimatayin. Kung marami siyang nakain, magkakasakit siya sa atay, at mamamatay, ani Prof. Atrigenio.
Umuugat ang corals sa sahig ng dagat. Nalalason ito sa cyanide. Nawawala ang kulay at tinutubuan na lang ng algae. Kapag walang corals, wala ring itlugan, palakihan, kainan, at pahingahan ang mga isda.
Tulad ng dinamita at kuryente, bawal ang cyanide sa pangingisda sa buong mundo. Pinoposasan agad at hinahabla ang mga Pilipinong nahuhuling nagsa-cyanide.
Ganundin dapat ang trato sa Chinese fisheries militia. Dakpin sila ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Para ebidensiya, i-video sila gamit ang aerial drones.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest