Mabungang pagbisita sa Nairobi, Kenya
SA paglabas ng aking kolum, kababalik ko lang mula sa Nairobi, Kenya kung saan dumalo ako sa ika-anim na United Nations Environment Assembly (UNEA-6). Ako ang napiling kinatawan ng mga siyudad, munisipalidad, at mga rehiyon mula sa iba’t ibang bansa upang iparating sa kinauukulan ng UNEA, ang pinakamataas na decision-making body pagdating sa kalikasan, ang aming mga mungkahi at hinaing tungkol sa pagsagip sa kalikasan.
Upang makabuo ng pinag–isang mensahe sa UNEA-6, pinakinggan ko ang talumpati ng mga kapwa ko lider sa Cities and Regions Summit noong nakaraang linggo. Ibinahagi ng mga kilalang global leader, mga lokal na opisyal, international organizations, NGOs at pribadong sektor, ang kanilang mga suhestyon sa pagharap sa mga hamon ng triple planetary crisis ng climate change, biodiversity loss at pollution.
Una na riyan ang pagkilala sa mga lungsod bilang tagapagsimula ng epektibong programa sa mga komunidad na dapat suportahan at pagtibayin pa ng national government. Kinakailangan ding magkaroon ng mekanismo na magpapadali sa pag-access ng mga pinansyal na suporta mula sa mga iba’t ibang institusyon upang mapalawak pa ang mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan.
Hinikayat din natin ang mga opisyal ng UNEA na kilalanin ang kabuluhan ng mga subnational governments sa implementasyon ng Multilateral Environmental Agreements (MEAs).
Ipinarating din natin ang kahalagahan na mabigyan ng nararapat na plataporma ang mga lungsod kagaya ng QC para maipahayag ang kanilang mga rekomendasyon lalo na sa pagpapatupad ng mga UNEA resolution at iba pang mga inisyatibo para sa kalikasan.
Kaugnay nito, matagumpay nating naibahagi sa pagpupulong ang ilan sa mga programa natin sa QC, gaya ng urban agriculture na nakapagbigay ng 25,000 green jobs sa QCitizens, mga ordinansang nagbabawal sa single-use plastics, ang Trash to Cashback, at pagpalit sa QCity buses ng electric fleet.
Nakasama ko naman sa assembly bilang Team Quezon City sina Coun. Vito Sotto Generoso, at Kristine Lea Sy-Gaon ng QC Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD)
Isang makabuluhang learning experience ang aming sandaling pag-iikot sa Nairobi, lalo na sa pinakamalaki nilang slum area na tinaguriang Kibera. Hindi maituturing na karaniwang tourist spot ang lugar, ngunit nagsilbing isang eye opener sa amin, partikular na ang mga women entrepreneur sa kanilang komunidad. Nasaksihan din namin ang authentic culture ng nasabing lugar sa ating pakikisalamuha sa mga nakatira roon.
Napakarami nating natutuhan sa ilang araw nating pananatili sa Nairobi, Kenya na maaari nating ibahagi at ipatupad sa ating siyudad para sa kapakinabangan ng ating QCitizens.
- Latest