^

PSN Opinyon

FB post ng Taguig sa ambulansiya, fake news!

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Nakakaumay na ang ginagawa ng Taguig na pagpapa­kalat ng maling balita para pagtakpan ang kanilang mga kakulangan sa serbisyong dapat ay naibibigay nila sa mga mamamayan ng EMBO barangays. Hindi matapos-tapos ang mga isyu nila at kahit na sinisikap naming sundin “to the letter” ang batas at mga requirement ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, meron pa ring mga puna at batikos­ na ipi­nupukol sa amin. Matapos mag-ingay tungkol sa mga paaralan at health center, ambulansya naman ngayon ang napagbalingan ng kampo ng Taguig. Ang sabi nila sa FB post kamakailan, “binawi” raw namin mula sa Baran­gay Comembo ang ambulansya na pag-aari naman daw ng Department of Health (DOH). Pinalalabas na kami ay walang puso at basta­ na lamang inalisan ng ambulansya ang mga tao sa Co­membo. Pero kahit below the belt pa ang tira ninyo, kaya namin kayong sagutin punto por punto na may datos at pruweba. Para sa kaalaman ng lahat, kinuha namin ang nasabing ambulansya bilang pagsunod sa kundisyon na nakasaad sa Deed of Donation na napagkasunduan namin ng DOH noong September 2021.

Hindi po kami nagti-trip lang at biglang kinuha ang ambu­lansya. Pinull out namin ito para maipaayos ang mga sira nito at tiyaking ligtas itong gamitin bago isauli sa DOH. Opo, isasauli namin ang ambulansya sa DOH na siyang nag-donate nito sa Pamahalaang Lungsod ng Makati, hindi sa Barangay Comembo, sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP). Samakatuwid, nasa pagma­may-ari ito ng Makati, at obligado kaming isauli ito sa DOH kasama ang Notice of Revocation matapos mawalan ng bisa ang kasunduan naming nagtatalaga kung saan gaga­mitin ang ambulansya, dahil sa desisyon ng Korte Suprema na iginawad sa Taguig ang territorial jurisdiction sa EMBO barangays.

Sa pananalita ng mga opisyal ng Taguig sa naturang FB post, akala nila ay pwedeng basta na lamang naming­ ibigay ang ambulansya sa kanila. Kung inalam muna nila ang buong istorya bago nagsalita, hindi sana sila magmumuk­hang tanga o sinu­ngaling. Matapos naming isailalim sa ge­neral­ inspection noong August 2023 ang ambulansyang K1V 502 Hyundai Starex Grand, ma­a­gap na ipinaalam ng lungsod sa supplier ng DOH HFEP ang mga kailangang re­pair dahil under warranty pa ito. Mula Novem­ber 29, 2023 hanggang January ngayong taon, isinailalim sa repair works ang ambulansya. Kasama dito ang battery replace­ment, tire change, change oil at repairs ng blinker, siren, odometer at speedo­­meter, brake system, at rear back-up camera. Tiniyak­ na­ming maayos ang sasakyan bago ito isauli sa DOH at dapat in running condition ito at well-maintained para na rin sa kaligtasan ng pasyente at emergency responders­ na gagamit nito. Buong buwan ng Enero hanggang nga­yong Pebrero, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Makati sa DOH para sa maayos na pagbabalik ng ambulansya na dating nakatalaga sa Comembo.

Sa isang sulat sa akin noong February 5, 2023, binigyang-diin ni Dr. Rio Magpantay, Director ng Metro Manila Center for Health Development, ang nakasaad na kondisyon sa Deed of Donation na nagsasabing, “The donor reserves the right to revoke this Deed of Donation in case any of the aforesaid conditions are not faithfully complied with by the Donee. In case this Deed of Donation is revoked, the Donee shall surrender the possession of the equipment and ambulance to the Donor within fifteen (15) working days from the Notice of Revocation.” Samantala, ang isa pang ambulansyang naka-deploy sa Comembo ay pansamantalang kinuha rin noong January 24 para sa inventory at licensing. Isa ito sa apat na mga ambulansyang donasyon ng DOH sa lungsod sa pamamagitan ng Ospital ng Makati noong July 2021. Mula ang mga ito sa fund allocation ni second district Representative Luis Campos. Ang isa pang ambulansya ay itinalaga sa barangay Rizal. Matapos mainspeksyon at maayos ang lisensya ng nasabing unit, ibinalik din ito sa Comembo noong February 8 at nananatiling naka-deploy doon sa ngayon.

Ang ambulansya namang nasa Rizal ay inilipat namin sa Guadalupe Nuevo dahil mas nangangailangan ito, samantalang ang Rizal ay napakalapit naman sa Ospital ng Makati at pwede rin nitong gamitin ang ambulansyang nasa Comembo para sa mga medical emergency. Dapat na maging maliwanag sa lahat na walang kinalaman ang pulitika sa paggalaw ng mga ambulansya. Ang mga aksyong ito ay base sa mga patakaran ng DOH at sa makatwirang pagpapasya. Sumusunod lamang ang Makati sa tama at legal na proseso. Inuulit ko po, wag magpapadala sa social media posts na mapanira at malisyoso. Maging mapanuri tayo upang hindi malinlang at mapaniwala sa fake news. Wala itong idudulot na mabuti lalo na sa mga mamamayan ng EMBO barangays. Huwag hayaang matakpan ang mga totoong problema, at hanapin sa mga lider ng Taguig ang nararapat na mga benepisyo at serbisyo para sa inyo.

EMBO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with