Wala pa ring bisa ang kasal
Ito ay kaso ni Annie at Tony na nagkakilala sa kolehiyo. Tuwing bibisitahin ni Tony si Annie siya ay lasing.Pero pagkaraan ng anim na taon, sinagot pa rin ni Annie si Tony na maging nobya nito. Noon ay nagtatrabaho na si Tony sa ibang bansa bilang seaman. Dahil nga si Tony ay nagtatrabaho sa ibang bansa, nagpasya na sila na magpakasal-maski wala pang lisensiya. At pagkaraan ng isang buwan pumunta na uli si Tony sa “abroad”.
Noong kasal na sila pinakita ni Tony ang kanyang pagmamahal at respeto kay Annie. Tuwing babalik siya dito, binibigay niya ang kanyang sweldong ?80,000 sa kanilang pondong mag-asawa. Ngunit kumukuha rin ng pera upang gastusin sa mga bisyo. Palaging wala sa bahay si Tony at nakikipag-inuman at nakikipagsugal sa mga kaibigan.
Pagkaraan ng limang taon, tinanggal siya bilang seaman dahil sa “drug trafficking”, kung saan kumikita siya ng mga isang milyon (?1,000,000). Pagkaraan ay nanganak na si Annie ng isang babae na nagngangalang Katy. Tapos pumunta na si Annie sa Dubai. Napag-alaman na iniwan na ni Tony si Katy noong edad isang taon na ito at hindi na niya alam kung saan ito.
Noong wala nang pag-asang magkabati pa, nagpetisyon na si Annie na pawalambisa ang kanilang kasal dahil walang sikolohikal na kakayahan si Tony na gampanan ang kanyang tungkulin bilang asawa. Sinabi rin niya sa kanyang Petisyon na walang lisensiya ang kanilang kasal.
Pagkaraan ng pagdinig sa kaso ginawad ng korte (RTC) ang petisyon ni Annie dahil walang sikolohikal ng kakayahan si Tony.
Sa apela ng Solicitor General, binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng RTC at sinabing may bisa ang kasal nina Annie at Tony. Tama ba ang CA?
Mali sabi ng Supreme Court (SC). Totoo nga na ang ebidensiya ni Annie ay nagpapatunay lang na si Tony ay impulsive, sugalero, lasenggo, nambabae at gumagamit ng illegal na droga at sangkot sa drug trafficking. Pero hindi ito sikolohikal na hindi niya kayang gampanan ang tungkulin bilang asawa.
Malinaw sa sertipiko ng kanilang kasal na wala silang lisensiya ng pagpapakasal (marriage license). Ayun sa Article 14 ng Family Code (FC) hindI kailangan ang lisensya ng kasal kung ang babae at lalaki ay namumuhay bilang mag-asawa nang limang taon o higit pa at may kakayahan silang magpakasal. Dahil hindi pa nga ganito ang kalagayan nila Annie at Tony, ang desisyon ng CA ay hindi tama. Kaya ang desisyon ng RTC na pinapawalambisa ang kanilang kasal ay dapat ibalik at ipairal (Torralba and Republic, G.R. No. 214392, December 7, 2022).
- Latest