Nanghimasok na nga, tapos umaangal pa
Tinatarantado na ng Communist China ang Pilipinas. Kesyo nagsisimula raw ng gulo ang Pilipinas dahil sa dalawang magkasunod na joint naval exercises kasama ang Amerika. Pero sa loob naman ng hurisdiksyon ng Pilipinas ginawa ang dalawang exercises.
Ang unang exercise ay joint patrol. Inaral dito kung paano magkumonika at magtulungan sa isa’t isa ang Philippine at U.S. navies at air forces. Nagtagpo ang dalawang panig sa gawing Mindoro. Aali-aligid sa kanila ang mga barkong pandigma ng Communist China.
Sinita ng Philippine Navy ang mga nanghihimasok na Chinese warships. Pinaalalahanan sila na ilegal silang pumuslit sa teritoryong dagat ng Pilipinas. Hindi sumagot ang mga barko ng China. Nagmaang-maangan sila.
Pero nu’ng matapos ang joint PH-US naval patrol, nagsinungaling ang Chinese Ministry of Foreign Affairs. Kesyo raw Pilipinas at Amerika ang ilegal na pumasok sa teritoryong dagat ng China. Pinaniniwalaan ng Communist China ang sarili nitong kabulaanan. Walang batayang legal na China ang may-ari ng dagat ng Mindoro.
War games ang ikalawang PH-US exercise. Kasali ang higanteng U.S. carrier Carl Vinzon, dalawang destroyer at isang cruiser. Tatlong barko ang sa Pilipinas. Isinagawa ito sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Muli, aali-aligid ang Chinese warships.
Inakusahan ng China ang Pilipinas ng pagsisimula ng gulo. Kesyo raw pinasok ng Pilipinas at Amerika ang “teritoryong dagat” ng China.
Ang layo na sa China ng EEZ ng Pilipinas. Sila ang nanghihimasok. Pero binabaliktad nila ang kuwento. Ganyan mag-propaganda ang Communist China.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest