Motibo ng bomb threats, tutuklasin!
Makakatulog na nang mahimbing ang mahigit 113 milyon na Pinoy matapos mapatunayan na itong kumakalat na bomb threats ay “hoax” o panloloko lamang.
Idiniin pa ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na itong bomb threats ay hindi pakay na pabagsakin ang gobyerno ni President Bongbong Marcos. Eh di wow! Sa huling ulat kahapon, halos 28 ahensiya ng gobyerno at eskuwelahan sa Metro Manila, sa Central Luzon at Calabarzon ang nakatanggap ng panlolokong tawag na ito. Siyempre, sa unang tingin, may destab laban sa gobyerno ni BBM dahil kagaya ng mga naunang kudeta, may kaguluhan muna bago ang “main event” tulad ng EDSA People Power 1 at 2, at maging ang inilunsad ng grupo ng RAM sa pangunguna ni ex-Sen. Gringo Honasan. Hayan, malinaw naman ang pahayag ni Col. Fajardo na panloloko lang itong bomb threats.
Natukoy na ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa pamumuno ni Maj. Gen. Sidney Hernia ang nasa likod ng bomb threats sa pamamagitan ng email na ginamit. Pinangalanan ang suspect na si Takahiro Karasawa, na nagpakilalang isang Japanese lawyer. Itong mga bomb threats ay pinapadala ni Karasawa mula pa noong September, October at December, ayon pa kay Hernia. Kung sabagay, hindi lang sa Pinas pinadadala ang mga bomb threats kundi maging sa iba pang bansa sa Southeast Asia. Ano kaya ang motibo ni Tarasawa? Hindi tiyak kudeta dahil Hapones siya at walang followers sa military at PNP sa Pinas, di ba mga kosa?
Para matigil na itong malisyosong bomb threats na nagresulta sa pag-antala ng serbisyo publiko ng mga ahensiya ng gobyerno at mga eskuwelahan, nagsagawa ng Joint Inter-Agency Conference kahapon ang mga operating units ng pamahalaan para matigil na ito. Maliban sa ACG, ang dumalo sa miting ay ang taga-Department of Information and Communications Technology (DICT), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Privacy Commission at iba pang kinatawan ng pamahalaan. Sumali rin ang kinatawan ng Japan, para maging kumprehensibo ang estratehiya sa paglaban sa naturang panloloko. Dipugaaaaa!
Samantala, nanawagan si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa publiko na maging mapagmatyag at matatag at ‘wag matakot sa panlolokong ito. “Community leaders are encouraged to keep their constituents well-informed and engaged in their civic duties and responsibilities. It is crucial to avoid sharing unverified information, as this can lead to unnecessary panic and confusion,” ani Acorda. Iginiit ni Acorda na ang pagpalaganap ng pekeng impormasyon o panloloko sangkot ang bomba, explosives at iba pang devices ay maliwanag na paglabag ng Presidential Decree 1727 na may kaakibat na pagkulong na limang taon o fine na hindi lalagpas sa P40,000. Ambot sa kanding nga may bangs! Kaya mga kosa, ‘wag n’yo tularan si Karasawa ha? ‘Wag magbiro ng bomb threats at tiyak hindi rin kayo bibiruin ni Acorda. Abangan!
- Latest