Lying, cheating and stealing
“KAYO ang Boss ko!” Pamosong litanya noon ng yumaong dating President Noynoy Aquino.
Baka nakakalimot na ang ating mga hinalal na senador, congressman, governor, mayor, konsehal ng bayan. Isama na rin natin ang mga opisyales ng barangay at appointed officials sa mga pampublikong tanggapan.
Boss n’yo ang taumbayan!
At dahil kayo’y nasa gobyerno, gumagamit kayo ng pondo ng pamahalaan mula sa kaban ng bayan.
Kaya ‘wag n’yong pinagloloko, ‘wag n’yong binubudol, ‘wag n’yong linlangin, ‘wag n’yong dayain at ‘wag n’yong suhulan ang taumbayan kapalit ng inyong mga kalokohan.
Itong nasa likod ng kontrobersiya na People’s Initiative (PI), hindi na inisyatibo ng taumbayan. Pampulitika na, political initiative gamit ang pirma ng mamamayang Pilipino para palawakin ang kanilang maitim na balakin.
Kinukubli ang kanilang personal na interes gamit ang PI kuno. Hindi ‘yan desisyon at adhikain ng taumbayan. Kayong may maitim na balak ang nagsusulong niyan.
May ilang congressman pang ipinagmamalaki na malapit na raw makumpleto ang kanilang mga pirma. Aba’y congressman, maghinay-hinay ka naman!
Kung ‘yung mismong Speaker of the House, naghinay na lalo ngayong pumalag na ang buong Senado. Mahiya-hiya ka naman Cong.
Sinong hindi magugulat at mapapamura sa mga nangyayaring ito. Kung hindi pa nabuking ay tuluy-tuloy lang ang panlilinlang sa taumbayan. Hindi matatauhan ‘yung iba diyan na hayagang kumokontra ngayon.
Lumalabas, mga chief-of-staff at executive staff ng mga kongresista ang kumikilos sa ibaba sa utos ng kanilang mga Bossing. Kilala n’yo kung sinu-sino kayong mga putok sa buho.
Kayo diyan sa Kongreso, you supposed to earn the trust of the people that you are representing. Therefore, your highest purpose is to honest, maging tapat kayo sa mga pinaggagagawa n’yo.
Kasi kung nagsisinungaling ka, kasunod niyan ay mandaraya ka na. At ‘pag marunong ka nang mandaya, magnanakaw ka na.
Anong ninanakaw? Pera ng taumbayan, pinamumudmod para manuhol at mambudol kapalit ng pirma.
Kaya kayong mga kontrang kongresista, kundenahin n’yo at patigilin ang PI diyan sa Kongreso.
Para naman doon sa mga ayaw magsalita, eh di mga P.I. kayo—as in P.I. sa kanto!
- Latest