^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Sayang!

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Sayang!

Kalunus-lunos ang nangyayari sa mga produktong agrikultura sa bansa. Sa halip na pakinaba­ngan at pagkakitaan ay nasasayang o nasisira lamang. Ang pagkasira ay kasingkahulugan din na walang napakinabang ang mga magsasaka. Pagkaraang gastusan ang pagtatanim, paglalagay ng pataba, pag-spray para hindi sirain ng insekto, ay masasayang lamang pala. Itatapon din lamang pala dahil sobra-sobra ang ani. Walang mapaglagakan na storage facilities. Habang marami ang nagugutom sa bansa, marami rin namang itinatapon na produkto. Sayang talaga!

Ayon mismo sa Department of  Agriculture (DA), nasa 30 percent ng agricultural pro­ducts ang nasisira at nasasayang bawat taon. Ang dahilan kung bakit maraming nasisirang produkto ay dahil sa mahinang logistics system ng food supply chain sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, kung maayos lang daw sana ang logistics system ng bansa, mababawasan daw ng 10-15 percent ang presyo ng mga gulay at prutas. Nilinaw naman ni Laurel na ang 30 percent na nasisira sa mga produkto ay base lamang sa kanyang karanasan sa pagnenegosyo at hindi base sa datos. Inilatag naman niya ang tatlong taon na plano para sa “Masaganang Bagong Pilipinas” na ang layunin ay pataasin ang produksyon ng agri-fishery industry.

Ang kawalan ng storage facilities sa bansa ang numero unong problema kaya maraming nasasayang na gulay at prutas. Kapag nagkasabay-sabay ang ani ng mga gulay—repolyo, petsay, kamatis at iba pa, wala nang mapaglagyan at ang kahahantungan ay ipagbibili ito sa murang halaga lamang. Gaya nang nangyayari ngayon sa Benguet, Nueva Ecija at Bicol Region na umaapaw sa dami ang ani ng gulay. Ang hindi na ma­ipagbili at malapit nang mabulok, ipinamimigay na lang. Ang masaklap, itinatapon na lang ang karamihan ng gulay gaya ng kamatis.

Noong nakaraang Enero 2023, binalak ng pamahalaan na umangkat ng sibuyas para raw mapunan ang kakulangan pero tinutulan ng mga magsasaka ng sibuyas sapagkat maaaring mabulok lang. Marami raw aanihing sibuyas sa bansa sa panahon ng Pebrero at Marso kaya hindi na dapat umangkat. Masasayang lang daw at aksaya sa pera kung aangkat.

Sabi ng mga grupo ng mga magsasaka at nagta­tanim ng sibuyas, ang nararapat paghandaan ng pama­halaan ay ang pagkakaroon ng cold storage facili­ties upang hindi mabulok ang mga aanihing gulay. Ganito rin ang sinabi ng Philippine Chamber of Agri­culture and Food Inc. (PCAFI) mahalagang magkaroon nang maraming storages para sa sibuyas. Ito umano ang dapat paghandaan ng DA. Ayon pa sa PCAFI, mayroon lamang 27 storage plants sa Metro Manila.

Kung ganun, ito ang tuunan ni Secretary Laurel para walang masayang na pagkain.

AGRIKULTURA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with