People’s Initiative o salamangka?
ALL points bulletin ito ng BITAG sa buong Metro Manila, sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Mag-ingat kayo sa mga pumupunta’t naglilibot sa inyong mga barangay.
Balita kasi sa malalaking diyaryo at telebisyon, may mga tahimik na kumikilos. May mga grupong nag-inisyatibo’t nagpapapirma.
Ano ba itong pirma-pirma na ‘to? People’s Initiative umano para matuloy ang Charter change o Cha-cha.
May mga grupong nagsimula na raw nitong nakaraang holiday, nag-iikot. Dahil Pasko, may nagbibigay umano ng ayu-ayuda pero may kapalit na pirma ng tao.
Sinamantala ang kaabalahan ng katatapos lamang na mga okasyon, habang busy ang lahat, sa kabilang banda’y may nangangalap naman ng pirma sa mga kababayan natin.
May kinalaman ito sa pahayag ni House Speaker Martin Romualdez noong Disyembre 12, 2023 na haharapin ng Kongreso ngayong 2024 ang pagbisita sa ating Konstitusyon at posibleng pag-amyenda nito sa aspeto ng economic provisions.
Maganda ang layunin ni Speaker Romualdez lalo na’t makakatulong ito palakasin ang ating ekonomiya. Tama nga naman, 1987 pa ang Konstitusyon at 2024 na tayo ngayon, may mga hindi na angkop na batas sa kasalukuyang panahon.
Ang problema, may mga nasobrahan sa pagsipsip at paghigop. ‘Yung ibang pulitiko na may pansariling interes, sumasakay, pumupuwesto.
Ang ikinakatakot ng karamihan, itong pagbisita at pagrepaso ng ating Saligang Batas na ang layunin lamang ay economic provisions—posibleng maabuso.
Anong klaseng pang-aabuso? ‘Yung mga umeepal na pulitikong gustong makinabang sa pamamagitan ng pagpapahaba ng kanilang termino. Nakukulangan sa haba ng panunungkulan ‘yung iba diyan.
So hindi na ito inisyatibo ng taumbayan. Hindi na ito boses ng mga Pilipino na sumisigaw na repasuhin, amyendahan ang lumang Saligang Batas kundi ilang mga pulitikong gustong baguhin ang istruktura ng ating gobyerno.
Kaya babala ng BITAG, basahing maigi ang inyong mga pinipirmahan baka kayo maisahan ng mga salamangkerong pulitiko. Utos man ‘yan ni Chairman, sa taas niya si Mayor, sa taas niya si Gobernador at sa itaas pa si Congressman—huwag magpauto.
Isang libo o sampung libong piso man ‘yan kapalit ng pirma n’yo, pitikan n’yo ng ng inyong mga cell phone camera at dalhin sa amin sa BITAG. Kami ang susuri ng mga nilalaman niyan.
- Latest