Maipatupad na kaya?
PAG-USAPAN natin ang “franchise consolidation” na tila masalimuot na isyu sa mga drayber at operator ng pampublikong jeepney. Matagal nang nais ipatupad ng gobyerno iyan, para mailabas ang tinatawag na “modern jeepney.” Kung natatandaan ninyo, nagalit si dating President Duterte noong 2017 at nagbabala na huhulihin ang lahat ng hindi susunod sa PUV modernization sa katapusan ng taon. Sabi ni Duterte, “Mahirap kayo? P*@#%&*!, magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam. Huwag ninyong ipasubo ang tao.”
Anim na taon ang lumipas, wala pa ring malinaw hinggil sa PUV modernization.
Ano ang “franchise consolidation?” Ibig sabihin, lahat nang operator ng PUV ay isasailalim sa isang prangkisa, imbis na hiwa-hiwalay pa, para sa nakatakdang ruta. Kasama na rin sa usapang ito ay ang PUV modernization na sa simula pa ay kinontra ng halos lahat ng grupong PUV.
Naglabas ng deadline si President Bongbong Marcos Jr. noong Disyembre 31, 2023. Pero pinalawig ito sa January 31, 2024. At ayon sa LTFRB, ituturing na “colorum” ang mga pampublikong jeepney na hindi pa sumailalim sa franchise consolidation sa araw na iyon. Sa madaling salita, huhulihin na raw sila.
Pero nagpahayag na ang grupong Piston na magpapatuloy ang kanilang mga miyembro sa pagbiyahe kahit hindi pa sumailalim sa consolidation. Kung ano ang sunod na hakbang ng gobyerno ay kailangan pa nating makita. Ilang taon nang isyu ito at tila walang marating na kasunduan.
Ayon sa mga operator at drayber, kontra-mahirap daw ang PUV modernization dahil mas mahal ang mga “modern jeepneys” at wala silang pambili nito. Kahit nagpahayag ang gobyerno tutulong sila sa pamamagitan ng magaan na pautang, hindi pa rin nito makumbinsi ang marami.
Ang pakay ng programang PUV modernization ay gawing mabisa, mas ligtas ang pampublikong transportasyon at mas eco-friendly. May kinalaman dito ang polusyon na dulot ng mga lumamg PUV, kasama na ang mga lumang makina. May mga PUV pa rin dyan na ubod ng kapal ng usok mula sa kanilang tambutso. At mga aksidenteng sangkot ang PUV ay kadalasan dahil umano sa mahinang preno. Ayon sa gobyerno, ang mga modernong PUV ay titiyaking maayos ang makina, preno at kumportableng sakyan ng publiko. May mga disenyo na para diyan, pero ganun nga, may pagtutol pa rin. Tingnan natin kung sa ilalim ng administrasyong Marcos ay maipapatupad na ito, o mauurong na naman sa susunod na administrasyon.
- Latest