^

PSN Opinyon

Paano maging matalino

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Alam kong gusto ninyong maging matalino. At kung matalino ka na, dapat ay maprotektahan ang iyong utak para manatili kang matalino.

May mga paraan para riyan. Narito:

1. Kumain ng brain food o mga pagkaing mabuti sa utak. May mga pag-aaral na nagpapakita na may tulong ang pagkain ng (1) isang dakot ng mani bawat araw dahil may good oils ito na nagpapataas ng serotonin levels, (2) matatabang isda tulad ng tilapia, sardinas at salmon na may omega-3, (3) olive oil at avocado na may omega-3, at (4) dark chocolate na may flavonoids na pinapanatiling bata ang ugat.

2. Gamitin palagi ang utak. Sumagot ng mga crossword puzzles at Sudoku. Maglaro ng chess. Subukang mag-multiply o magkuwenta sa pamamagitan ng isip at huwag nang gumamit ng calculator. Paganahin ang iyong utak.

3. Mag-internet at mag-search sa Google. May pagsusuri na nagpapakita na nakakatalino ang pag-surf sa internet. Kahit bata man o may edad, napatunayan sa brain scans na ang paggamit ng internet ay nagpapagana ng ating utak.

4. Umiwas sa alak. Ang pag-inom ng sobrang alak ay nakababawas ng brain cells. Hihina ang iyong memorya. May sakit na kung tawagin ay “alcoholic dementia.” Ang ibig sabihin nito ay nagiging ulyanin ang pasyente dahil nabababad ang kanyang utak sa alcohol.

5. Umiwas din sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nagpapahina sa memorya at pinagmumulan din ng kanser sa baga, lalamunan, bibig at iba pang malubhang sakit.

6. Piliting mag-aral kahit nahihirapan ka. Kahit hindi mo gaano maintindihan ang iyong leksiyon, pagtiyagaan mo pa rin ito. Sa English class, magbasa lang ng libro. Sa Mathema­tics, mag-practice sa pagsagot sa mga tanong para maging bihasa. Maya-maya, magugulat ka na lang at naiintindihan mo na pala.

7. Mangarap o mag-day dream. Oo, okay lang ang mangarap ng gising. Kung ang pangarap mo ay maging isang piloto, abugado o doktor, isipin mo kung paano ito magkakatotoo. Ayon sa mga psychologists, kapag lagi mong inaasam ang isang bagay, gagawa ng paraan ang iyong utak at katawan na magkatotoo ito. Lahat ng nagtagumpay ay nag-umpisa lamang sa isang pangarap.

8. Protektahan ang iyong ulo. Huwag hayaang mauntog o masuntok ang iyong ulo. Magsuot ng helmet habang nagmomotorsiklo, nasa sports o nagtatrabaho. Sa mga may edad, mag-ingat sa paglalakad at baka ika’y matumba at mauntog ang iyong ulo.

9. Uminom ng vitamin B complex na may folic acid. Ayon sa bagong pagsusuri, ang pag-inom ng vitamin B complex ay maaaring magpabagal sa pagkakaroon ng Alzheimer’s disease at pagiging makalimutin. Hindi lang iyan, sa mga nagbubuntis, kailangan ninyong uminom ng vitamin B with folic acid para hindi magkaroon ng brain damage (neural tube disorder) ang iyong anak.

10. At ang huli sa lahat, bantayan ang iyong blood pressure, kolesterol at blood sugar. Kailangan ay normal ang lahat ng ito para manatiling maganda ang daloy ng dugo sa iyong utak. Kung mayroon kang nararamdaman, magpatingin sa doktor.

MATALINO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with