EDITORIAL — Sunugin, makukumpiskang illegal drugs nang walang ma-recycle
HALOS araw-araw ay may nakukumpiskang kilu-kilong shabu ang mga awtoridad na nagkakahalaga ng bilyong piso. Ang nakapagtataka, sa kabila na maraming nakukumpiskang shabu, patuloy pa rin ang paglaganap nito na halos hindi nababawasan at dumarami pa. Kaya totoo ang hinala na ang mga nakukumpiskang shabu ay hindi lahat isinusurender ng mga corrupt drug enforcers. Isinusubi nila ang kalahati nito o mahigit pa at saka ire-recycle—ibebenta uli sa kalye. Tiba-tiba ang mga corrupt na alagad ng batas.
Mainit sa mata ng mga corrupt na drug enforcers ang mga nakukumpiskang shabu na kanilang iniingatan para gawing ebidensiya. Maraming natutukso rito at pinag-iinteresan. Malaking pera ang kikitain kung ire-recycle ang mga nakumpiskang shabu.
Ang pag-recycle sa mga nakukumpiskang droga ay noon pa nangyayari. Maski sa National Bureau of Investigations (NBI) maraming taon na ang nakararaan ay ninanakaw din ang mga nakumpiskang droga. Agent din ng NBI ang inaakusahang nagnanakaw ng droga. Ang mga droga ay itinago para gawin daw ebidensiya. Pero pinag-iinteresan ng mga corrupt na tauhan.
Ganyan din ang nangyayari sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). May opisyal at tauhan ng PDEA ang nagre-recycle ng shabu na nakukumpiska. Noong nakaraang taon, nahuli sa buy-bust ang hepe ng PDEA-NCR at dalawang tauhan sa mismong opisina sa Taguig.
Ang nakumpiskang 990 kilos ng shabu kay dating PDEG MSgt. Rodolfo Mayo noong Oktubre 2021 na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon ay tiyak na recycle rin. Naipon mula sa operasyon ng PDEG. Paghahati-hatian ng mga miyembro kung hindi nabuking.
Isa sa dapat gawin para hindi ma-recycle ang droga na nakukumpiska ay ang pagsunog o paglusaw dito. Hindi na dapat iniingatan ang mga nakumpiska sapagkat tinatakaw lamang nito ang mga corrupt na drug enforcers. Huwag nang itago para hindi matukso ang mga awtoridad.
Ganito rin ang isinusulong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at chairman ng House Committee on Dangerous Drugs—sunugin agad ang mga nakumpiskang illegal drugs upang maiwasan ang recycling ng mga ito. Inihain ni Barbers ang House Bill 9668 (Prompt Dangerous Drugs Destruction Act). Sa ilalim ng panukala, papayagan nang sunugin ang mga nakumpiskang droga sa incineration facilities at mga crematorium.
Napapanahon ang panukala at nararapat na suportahan. Dapat sunugin ang illegal drugs na nakukumpiska para wala nang ma-recycle ang mga corrupt na pulis at drug enforcers.
- Latest