^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mag-face mask para iwas sakit

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mag-face mask para iwas sakit

Ayon sa Department of Health (DOH), maraming nagkakatrangkaso (influenza) ngayon. Dahil daw ito sa pagpapalit ng klima—mula sa mainit ay nagi­ging malamig. Asahan na raw sa ganitong panahon ang pagtaas ng kaso ng communicable disease infections.

Ayon sa DOH ang mga respiratory infections katulad ng trangkaso at COVID-19 infections ay inaasahan nang darami dahil sa tag-ulan at sa paparating na ma­lamig na panahon o amihan na karaniwang nagaganap kung Disyembre. Kumakalat ang viruses dahil sa pagpapalit ng klima o panahon—mula sa mainit ay magiging malamig. Nagbabala rin naman ang DOH sa posibleng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa ganitong panahon.

Ipinayo ng isang infectious disease expert sa mga Pilipino ang pagsusuot ng face masks kapag nasa pampubliko o matataong lugar kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng sakit sa respiratory sa China.

Nilinaw naman ni Dr. Rontgene Solante, pa­ngulo ng Philippine College of Physicians, na hindi naman dapat mag-panic ang publiko dahil wala pa namang linaw kung may panibago na namang pandemya na idudulot ang naturang ulat sa China.

Hindi dapat balewalain ang pagdami ng kaso sa China na posibleng kumalat na naman sa buong mundo. Noong 2020, binaliwala ang pagkalat ng misteryosong sakit. Sa isang iglap kumalat sa mundo. Hindi napigilan at maraming nagkasakit at namatay. Naging relaks ang DOH nun at saka lamang naghigpit nang nakapasok na ang virus mula sa Wuhan, China.

Nananatiling banta ang COVID kaya hindi pa rin dapat maging kampante ang mamamayan. Bagama’t hindi ito kasingdami ng mga kaso sa mga nakaraan, hindi dapat balewalain ang paalala ng DOH na mag-ingat pa rin ang lahat para makaiwas sa COVID. Totoo na kahalubilo na ng mamamayan ang virus at kaila­ngang maging maingat para hindi tamaan nito.

Sundin ang lagi nang paalala ng DOH na iwasan ang matataong lugar at para makaiwas, sundin ang mga nakaugalian nang pagsusuot ng facemask kapag­ magtutungo sa matataong lugar o sumasakay sa mga pampublikong sasakyan. Palaging maghugas ng kamay. Gumamit din ng pang-disinfectant gaya ng alcohol. Huwag mamalagi sa mga lugar na walang sapat na bentilasyon.

Sa lahat nang ito, pinakamainam pa rin ang pagbabakuna para ganap na makaiwas sa nakamamatay na virus. Ayon sa DOH, maari pa ring magpabakuna sa barangay health centers. Hindi lamang sa COVID kundi pati sa bakuna sa trangkaso. Sundin ang payo ng DOH para makaligtas sa nakamamatay na sakit.

DEPARTMENT OF HEALTH

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with