EDITORYAL - Hayaang mag-imbestiga ang International Criminal Court
Nag-file si Manila Representative Bienvenido Abante Jr. ng House Resolution No. 1477 na humihikayat sa government agencies na makipagtulungan kay International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan sa pag-iimbestiga sa war on drugs ng Duterte administration. Sabi naman ng Department of Justice (DOJ), pag-aaralan itong mabuti dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas. Bumitaw ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019.
Nakapagtataka lang na laging sinasabi ng mga nagpatupad ng war on drugs ng Duterte administration na walang nangyaring pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao. Kung walang paglabag, bakit tutol na magsagawa ng imbestigasyon ang ICC.
Maski si President Ferdinand Marcos Jr. ay tutol din sa pag-iimbestiga ng ICC. Hindi na raw kailangang mag-imbestiga dahil may sarili namang justice system ang bansa, mas mabuti pa ring makipag-cooperate.
Ang pagtutol naman niya sa ICC ay taliwas sa ipinahayag niya sa interbyu nang bumisita sa United States noong Mayo 1-5, 2023. Sinabi ni Marcos sa isang interbyu na nagkaroon nang pag-abuso ang Duterte administration sa pagpapatupad ng war on drugs. Sabi ni Marcos sa panayam ng Center for Strategic & International Studies kaugnay sa human rights situation ng Pilipinas sinabi niya na nagkaroon ng pag-abuso sa pagpapatupad ng war on drugs. Masyado raw umanong nag-pokus sa enforcement ang nakaraang administrasyon. Ito umano ang dahilan kaya umabuso ang mga elemento ng pamahalaan sa pagpapatupad nito na naglagay naman sa sitwasyon na nalabag ang karapatang pantao. Ayon pa kay Marcos, maraming police officials ang nasangkot sa illegal na droga kaya naman hiningi niya ang courtesy resignation ng mga ito.
Sa war on drugs ng Duterte administration na nagsimula noong 2016, umabot sa 6,252 ang namatay. Ang masaklap, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges. Kabilang sa mga napatay ng pulis sa isinagawang drug operation ay mga inosenteng kabataan. Kabilang dito sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka walang awang binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.
Kung naniniwala ang kasalukuyang administrasyon na nagkaroon ng pag-aabuso ang Duterte administration sa pagpapatupad ng war on drugs, anong dahilan at tutol silang mag-imbestiga ang ICC. Hayaang makapag-imbestiga para mahukay ang katotohanan at maisilbi ang hustisya sa mga napagkamalan at naabuso ang karapatan.
- Latest