EDITORYAL — Testingin ang WPS kung may epekto ang pag-uusap
NAGKAUSAP na sina President Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping noong Sabado sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit tungkol sa mga nangyayari sa West Philippine Sea (WPS). Sabi ng Presidente, pinag-usapan nila ang pagbangga ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard habang nag-eeskort sa barkong maghahatid ng supply sa mga sundalong naka-station sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Pinag-usapan din daw nila ang isyu sa mga mangingisdang Pinoy na laging itinataboy ng Chinese militia vessel sa Panatag Shoal at may pagkakataong binobomba ng tubig at may binabangga. Sinabi umano ni Marcos sa Chinese President na hindi dapat sinasaktan ang mga mangingisdang Pinoy. Napagkasunduan daw nila ni Xi na dapat mabalik ang dating sama-samang pangingisda ng mga Pilipino at Chinese.
Bagama’t hindi na inilahad pa ang ibang napag-usapan, malinaw na naipabatid ni Marcos Jr. kay Xi ang mga nangyayari sa WPS. Sabi ni Marcos kailangan pa ang mga komunikasyon para maresolba ang mga nangyayaring tensiyon sa WPS. Ayon sa Presidente, nanatili pa rin ang problema, pero naniniwala siya na lubusang nabatid ni Xi ang mga ipinaabot niya rito at naniniwala siyang magkakaroon ng pagbabago sa nangyayari sa WPS.
Harinawang mangyari ang iniisip ni Marcos Jr. makaraang mag-usap sila ni Xi. Sana, hindi na maulit ang pagbomba ng tubig at pagbangga ng CCG sa PCG. Hindi na rin sana maulit ang pakikipagpatintero ng PCG sa CCG at sangrekwang militia vessels habang nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre. Hindi na rin sana maulit ang pag-laser gun sa mga miyembro ng PCG na muntik nang ikabulag ng mga ito.
Higit sa lahat, hindi na sana itaboy ang mga mangingisdang Pinoy sa Masinloc. Dahil sa ginagawang pagtataboy, maraming mangingisdang Pinoy ang nagdaranas ng kadahupan at kagutuman. Ang pinagkukunan nila ng ikinabubuhay ay pinagkakait ng China.
Isang araw makaraang mag-usap sina Marcos Jr. at Xi, ipinasya ng mga mangingisdang Pinoy sa Masinloc, Zambales na bumalik sa Panatag Shoal para mangisda. Matagal na umanong hindi sila nakakapangisda sa Bajo de Masinloic dahil sa ginagawang pambu-bully ng mga Chinese militia.
Kahapon, muling pumalaot ang mga mangingisda at nagtungo sa Panatag. Wala pang balita kung hinarang sila at ginipit ng Chinese vessels. Ayon sa grupo ng mga mangingisda, layunin nila sa pagpalaot ay para matesting kung nagbunga ang pakikipag-usap ni President Marcos kay President Xi. Dito makikita kung may isang salita ang Chinese President.
- Latest