Kawalan ng kakayahang magtrabahong muli
Kaso ito ni Mando na isang seaman. Nakapagtrabaho siya sa isang barko na pag-aari ng GAR Maritime Services Inc. Sa ilalim ng tatlong buwang kontrata siya ay naka-asign sa isang lugar ng barko na tabi ng “engine room” na maingay dahil sa malakas at nakakabinging ingay. Kaya pagkaraan lang ng dalawang buwan sa barko, nakaramdam na si Mando ng matunog na ingay sa tenga at pagkahilo na parang umiikot ang kanyang kapaligiran at iba pang sakit na nakakahilo at nakakabalisa (vestibular disorder stress). Kaya siya ay idineklarang hindi na kayang gumanap ng tungkuling pang-dagat.
Dahil dito hiniling ni Mando sa kumpanya na bayaran siya ng mga benepisyo para sa permanenteng kapinsalaan sa katawan. Ngunit ayaw magbayad ng kompanya. Dahil dito nagsampa ng kaso si Mando sa Labor Arbiter para bayaran siya ng benepisyo sanhi ng kanyang sakit: danyos, moral at pang uliran (exemplary) pati na ang bayad sa abogado at gastos sa doktor.
Sa kanilang depensa nagpresenta ang kompanya ng ulat ng doktor ng kompanya na nagsasaad na ang sakit ni Mando ay walang kinalaman sa kanyang trabaho o naging grabe dahil dito. Bilang sagot, sabi naman ng doctor ni Mando na (1) hindi na siya makapagtrabaho muli; (2) ang sakit niya ay may kinalaman at lumalala pa dahil sa kanyang trabaho; (3) kailangan na niyang gumamit ng isang bagay para makarinig (hearing aids); at (4) hindi na siya makakapagtrabaho ng sapat. Sabi niya na ang sanhi nito ay dahil sa malakas na ingay sa barko ng kompanya.
Ngunit dinismiss ng Labor Arbiter ang kanyang reklamo dahil hindi raw napatunayan na ang kanyang sakit ay sanhi ng kanyang trabaho sa barko. At kahit pa nga nasa silid siya ng mga makina ng barko hindi pa rin niya napatunayan na ang uri ng kanyang trabaho ay naging sanhi ng pagkakasakit at pagkagrabe nito.
Binaliktad ang desisyong ito ng National Labor Relations Commission (NLRC) at inutusang bayaran si Mando ng $60, 000.00 batay sa “POEA standard employment contract”. Pagkaraan ay binago ng (NLRC) ang ginawad kay Mando at binabaan ito sa $44, 405.00. Binabaan pa ito ng Court of Appeals (CA) sa $39,180 pero inutusan parin ang kompanya na magbayad ng attorney’s fees na kasing halaga ng kabuuang bayad sa kanya. Tama ba ang CA?
Mali, sabi ng Supreme Court (SC). Sabi ng SC ang kapansanan ni Mando ay permanente at lubos. Sa kasong ito ang binabayaran ay hindi ang sakit o kapinsalaang tinamo kundi ang kawalang kakayahang magtrabaho dahil sa paghina ng kanyang kakayahang magtrabaho at kumita. Tungkulin ng kompanya na ipagamot ang empleyado at bigyan ng sustento hanggang siya’y makakapagtrabahong muli.
Wala sa kapangyarihan ng Korte o ng opisyal ng Department of Labor na magsasagawa ng sariling pagpapasya tungkol sa karamdaman ng trabahador kaya ang sabi ng doktor na si Mando na may sakit ng “Meniere’s disease ay sapat nang basehan para gawaran siya ng benepisyo sa kanyang kawalan ng kakayahang magtrabaho muli (Elevera vs. Orient Maritime Services Inc. et. Al G.R. 240054 March 18, 2021).
- Latest