EDITORYAL - Hustisya sa mga batang inabuso ng SBSI
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Martes ang lider ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) na si Jey Rence Quilario at tatlo pang matataas na lider na nakilalang sina Mamerto Galanida, Janeth Ajoc at Karen Sanico. Inaresto sila habang dumadalo sa pagdinig ng Senado. Siyam pang miyembro ng SBSI ang sinilbihan ng warrant sa Surigao del Norte.
Siyam na kaso ng qualified trafficking in person at walong kaso ng child abuse ang isinampa laban kina Quilario. Sinampahan din sila ng kaso kaugnay sa puwersahang pagpapakasal sa mga menor-de-edad, child labor, sexual abuse at puwersahang pagti-training sa kanilang hukbo.
Ang mga pang-aabuso sa SBSI ay unang ibinulgar ni Sen. Risa Hontiveros sa isang privilege speech sa Senado. Sinabi ni Hontiveros na ang mga miyembro ng SBSI ay sapilitang pinagtatrabaho at ang mga kinikita ay kinukuha ng lider na si Quilario. Nabatid din na ang mga menor-de-edad na babae ay sapilitang pinakakasal sa mga lalaking hindi nila kilala. Ayon pa kay Hontiveros, ang napagbentahan ng mga ari-arian ng miyembro at binibigay kay Quilario at susuway ay sinasabihan na hindi makararating sa langit. Marami umano ang nahikayat na magbenta ng ari-arian at namalagi na sa bundok na tinatawag nilang Sitio Kapihan.
Nahalungkat din ang sapilitang pagbibigay ng mga miyembrong senior citizens ng kanilang monthly pension para magkaroon ng pondo. Nabatid na ang mga miyembrong senior citizens ay puwersahang nagdo-donate ng P20 hanggang P1,000 buwan-buwan. Pati ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na tinatanggap ng mga indigent ay puwersahan ding kinukuha ng SBSI upang magkaroon ng pondo,.
Ang labis na nakaaawa ay ang mga bata na ayon sa mga tumakas na miyembro at tumayong witness ay may mga nagkasakit habang nasa bundok at hindi pinapayagan ng mga lider ng SBSI na magpagamot. Mayroon daw inimbentong gamot si Quilario at ito ang pinaiinom sa mga batang may sakit. May mga batang namatay dahil sa sakit at sa bundok na mismo inilibing sa utos ni Quilario.
Ngayong naaresto na ang mga lider ng SBSI, ang mabilis na paggulong ng kaso ang inaasahan. Katarungan ang hinahangad ng mga dumanas ng ‘di makataong trato ng grupo ni Quilario. Kailangang maisilbi ang karampatang parusa.
Kinakailangan namang tulungan ang mga nahikayat nina Quilario na makabalik na sa kapatagan at magsimulang muli sa panibagong buhay. Ayudahan sila para mabilis na makabangon sa dinanas na masamang bangungot sa “kuko ng agila”.
- Latest