Sangkaterbang mga santo sa JAC Liner
Ang kakapal ng mukha. Ang titigas ng sikmura. Kakaiba ang tibay ng bituka’t lamanloob nitong JAC Liner.
Mantakin mo, isang 71-taong gulang na ginang ang tumalon sa bintana ng kanilang bus dahil bigla itong nagliyab. Sa dami ng tinamong sugat at pinsala sa katawan ng ginang, dalawang libong pisong danyos lang daw ang ibibigay ng pamunuan ng JAC Liner.
Kayong mayayabang diyan sa JAC Liner, nakakalimutan n’yong hindi makakabiyahe ang inyong mga bus kung hindi dahil sa prangkisang ipinagkaloob sa inyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Isaksak niyo sa mga kukote’t baga n’yo diyan, na ang pagkakaroon ng prangkisa ay hindi karapatan kundi isang prebilehiyo. Katumbas ng prebilehiyong ‘yan ay responsibilidad at pananagutan lalo na kapag ang bus n’yo ay nakapinsala o nasangkot sa aksidenteng ‘di sinasadya.
Ang punto ko, akuin n’yo ang responsibilidad at pananagutan sa naaksidente niyong pasahero. Hindi ‘yung para kayong sangkaterbang santo riyan sa JAC Liner na kailangan pang magmakaawa ng matanda, pagkatapos ay P2,000 lamang ang inyong ipapamukha.
Sabi ito ng legal advisor niyo kuno diyan sa JAC Liner na talagang dalawang libong piso lamang ang inyong “tulong” sa nagrereklamo.
Kumbaga, balewala kung muntik nang matusta ‘yung ginang na tindera ng isda’t magsisimba lang sa Manaoag sa biglang pagliyab ng bus. Wala ring pake kung kitang-kita sa video ang lakas ng apoy na lumalabas mula sa loob ng bus.
Tanong ng BITAG at ng LTFRB, nasaan ang tinatawag na “passenger insurance” n’yo JAC Liner na obligado kayong magkaroon para sa inyong prangkisa?
Ang dating kasi, kesehodang lumiliyab ang bus at nag-uunahang nagtalunan ang pasahero sa bintana, wala lang, eto lang ‘yan. Bakit ‘di niyo na lang kaya diretsahang sinabi sa nagrereklamo na “P2,000 lang katumbas ng buhay mo lola!”
Nangako ang LTFRB, ipapa-show cause order kayong mayayabang diyan sa JAC Liner. Aba, magbabantay din kami sa BITAG.
- Latest