EDITORYAL - Walang katiyakan sa Maharlika Fund
Maraming nagulat sa biglang pagsuspende ni President Ferdinand Marcos Jr. sa implementasyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) na noon ay pinamadali pa niya sa Kongreso. Naglabas ng memorandum ang Office of the Executive Secretary na gusto raw ni Marcos na magkaroon muna nang malalim at mas mahabang pag-aaral sa MIF. Gusto rin daw ng Presidente na may safeguards ang Maharlika at maging transparent ito. Kailangan daw malinis at matiyak na ligtas sa anumang pananagutan.
Ang pondo ng Maharlika ay manggagaling sa LandBank (P50 bilyon) at Development Bank of the Philippines (P25 bilyon). May manggagaling din umano sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corp.
Kabilang sa mga nagulat sa pagsuspende sa MIF ay ang mga senador na tahasang sumasalungat sa MIF. Pero nagpasalamat din sila sapagkat nakikinig ang Presidente sa katwiran. Sabi ni Senate Minority leader Koko Pimentel sa simula ay marami nang depekto ang MIF at hindi naman napag-aralang maigi. Kabilang din sa sumasalungat dito ay sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Imee Marcos, kapatid ng Presidente.
Kailangang pag-isipan nang malalim at matagal ang MIF sapagkat maaring pag-ugatan ito ng korapsiyon. Kailangan ang safeguardsa sapagkat posibleng makurakot ang pondo at mauwi lamang sa wala. Marami nang investment fund ang nauwi sa pagkabankarote. Gaya nang nangyari sa 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na bumagsak dahil kinurakot ng mga opisyales ang pondo. Kabutihan sa Malaysia, may mga nakulong na opisyales ng 1MDB na nagnakaw ng pondo. Kung dito mangyayari sa Pilipinas ang nangyari sa Malaysia, tiyak na walang makukulong. Maraming opisyales na sangkot sa korapsiyon ang hindi napaparusahan sa kabila na maraming kinulimbat. Marami ang napapawalang-sala at balewala ang lahat. Ang naiwang nakanganga ay ang mamamayang kumakalam ang sikmura. Sa halip na gumanda ang pamumuhay lalong nasadlak sa kahirapan.
Nang maisabatas ang Maharlika Investment Fund Act of 2023 o Republic Act 11953, sinabi ng Presidente na dapat itong suportahan para sa pagpapayabong ng ekonomiya. Sa pamamagitan umano ng MIF, uunlad ang kabuhayan ng bansa at makikinabang ang mamamayan. Sa ilalim ng batas, bibigyan ng kapasidad ang gobyerno na mamuhunan sa mga mahahalagang proyekto tulad ng agrikultura, imprastruktura, at marami pang iba.
Pero nakagugulat nga ang pagsuspende niya at katanggap-tanggap naman sapagkat kailangang mapag-aralan pa. Laliman pa ang pag-aaral sa MIF para makasigurong hindi babagsak at makukurakot ang pondo.
- Latest