EDITORYAL - ‘Pinagdaraanan’ ng mga guro
Itinuturing na noble profession ang guro. Sa panahon ng American occupation umusbong sa puso ng nakararaming Pilipino na maging guro. Nang dumating sa bansa ang Thomasite teachers (mga Amerikanong guro) noong 1901 lalo nang marami ang nangarap maging guro. Malaki ang naging impluwensiya ng mga Amerikanong guro para pagsikapan ng mga lalaki at babae na maging guro. Kapag sa baryo ay may nakatapos sa kursong pagkaguro, malaki ang paghanga ng mga kababaryo. Tinitingala ang propesyong ito na mas naging popular pa sa mga propesyong doktor at abogado. Kaya mas maraming kolehiyo at unibersidad noon ang nag-offer ng kursong education o pagtuturo.
Pero sa pagdaan ng panahon, nabawasan na ang popularidad ng kursong pagtuturo at bumaba ang bilang ng mga kumukuha ng kursong education. Nasapawan na ang kursong pagtuturo ng mga may kinalaman sa information technology. Ayon sa pag-aaral, maaaring mabawasan pa ang mga estudyanteng nag-eenrol sa pagkaguro sa darating na panahon at magkakaroon ng problema sa kawalan ng mga guro.
Pababa nang pababa umano ang nais na maging guro at kung may mga guro namang nakatapos, mas pinipili na magtrabaho sa ibang bansa bilang domestic helper sa Hong Kong at mga bansa sa Middle East at sa Europe.
Sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day kahapon, sinabi ng UNESCO na nahaharap sa krisis ang propesyon ng pagtuturo. Inamin ng UNESCO na kapos na kapos sa mga guro ang buong mundo. Ayon sa report nangangailangan ng 44 milyong guro sa buong mundo.
Isa rin sa mga dahilan kaya kulang ang mga guro sa kasalukuyan ay sa dahilang ang mga bagong henerasyon ay wala nang interes sa propesyong ito. Wala nang karisma at kung may mga nag-eenrol man, nagda-drop sila sa kalagitnaan ng semester at nagsi-shift sa ibang kurso.
Ang mga guro sa Pilipinas ay maraming pinagdaraanan at kabilang dito ang problema na may kinalaman sa sahod. Maraming guro ang kakarampot ang suweldo. Apektado ang pagtuturo nila dahil dito. Sa mga nakaraan, may mga guro na kailangang magtinda ng kung anu-ano para madagdagan ang suweldo.
Nakalulungkot din naman na may mga guro na nasasangkot sa mga hindi kanais-nais na gawain. May mga guro (lalaki) na naakusahang inaabuso ang kanilang estudyanteng babae. Gaya ng guro sa Cavite na dinala sa motel ang estudyante.
Noong nakaraang linggo, isang Grade 5 student ang namatay, 11-araw sampalin umano ng kanyang guro sa loob ng kanilang silid-aralan sa Antipolo City, Rizal. Iniimbestigahan na ng DepEd ang insidente.
Maraming pinagdaraanan ang mga guro pero nararapat na pahalagahan nila ang kanilang propesyon na tinuring na marangal at tinitingala. Hindi ito dapat maglaho.
- Latest