Ano’ng karisma meron si Digong?
SA buong anim na taon bilang Presidente ni Rodrigo Duterte, napanatili niyang mataas ang kanyang trust at approval rating. Hindi ito sumadsad hanggang magwakas ang kanyang termino. Hanggang ngayon na wala na siya sa kapangyarihan, marami pang nagpapahayag ng suporta sa kanya.
Si Duterte na palamura at sinasabing bastos ay palaging mataas ang rating sa iba’t ibang surveys maging ito ay Pulse Asia o Social Weather Station. Ginusto siya ng marami kahit lantarang kinakampihan ang China na umaagaw sa ating teritoryo.
Kahit pa kinakasuhan siya ng International Criminal Court dahil sa sinasabing summary execution ng mga drug elements, nakapanig sa kanya ang maraming tao. Sa kasagsagan ng pandemic, may mga naganap na monumental cases of corruption gaya ng overpricing ng mga kinakailangang medical equipment. Ngunit ang mga ito’y hindi nakapagpabagsak sa kanyang rating.
Si Presidente Bongbong Marcos ay maginoo ang personalidad. May talino kung mangusap at hindi nagmumura. Lantaran din siyang nagpahayag ng suporta sa U.S. sukdulang ikagalit ito ng China. Kaya siguro pinaigting lalo ng China ang panggigipit sa ating mga Pilipino sa isyu ng West Philippine Sea.
Marunong pumalag si Marcos kapag lumalabis ang pang-aabuso ng China na patuloy na nananakot sa mga mangingisdang Pilipino na pumapalaot sa West Philippine Sea.
Sa kabila nito, sumadsad ng 14 puntos ang kanyang trust and approval rating sa survey ng Pulse Asia. Sumadsad din ang rating ni VP Sara Duterte pero nananatili siyang mas mataas kay Bongbong.
Sa tingin ko, ang usapin sa mataas na presyo ng bilihin ang nagpababa sa rating ni Marcos samantalang ang hindi maipaliwanag na paggastos sa intelligence fund ni Sara ang nakaapekto sa kanyang rating.
Mas maraming seryoso’ng isyu laban kay Digong pero bakit nanatiling mataas ang kanyang rating? Marahil, ito ay dahil ipinakikita niya ang totoo niyang kulay. Hindi nagkukunwang mabait kahit siya ay sanggano.
- Latest