Pakubling pamamaraan
Kaso ito ni Dante at Dina na mag-asawang mayaman pero may utang sa banko. Ang kanilang inutang ay P10 milyon ngunit ito’y umabot ng P26.7 milyon dahil umutang pa sila muli ng ilang beses. Nakapirma sila sa unang kasunduan sa utang (promissory note) at sinangla nila ang kanilang tituladong bahay. Ngunit sa bandang huli hindi nila nabayaran ang utang. Kaya sinubasta ng banko ang kanilang bahay at lupa.
Bago dumating ang petsa ng subastahan, hiniling nila na ipagpaliban ang subastahan o foreclosure sale kahit na hindi na ilathala muli ang bagong petsa ng subastahan. Ang pagsubasta ay pinagpaliban pa ng tatlong beses. Pagkaraan ay natuloy na ang subasta sa halagang P25,303,072.21. Nagpalabas na ng sertipiko ng pagsusubasta pabor sa banko at ito ay nirehistro sa titulo.
Pagkaraan nito nagsampa sa korte (RTC) ng kaso ang mag asawa laban sa banko at Register of Deeds at Sheriff upang pawalang bisa ang subastahan dahil ito ay wala sa tamang panahon, masamang tiwala (bad faith) at labis na tubo o interest, taliwas na pagpirma sa mga dokumento ng utang (promissory note) at di pagsunod sa mga tinakda ng batas tungkol sa subastahan.
Hiniling din nila sa Korte na tiyakin kung magkano ang babayaran nila para matubos ang kanilang lupa at bahay.
Tugon ng banko na tama naman ang kanilang pagkasubasta at ang mag-asawa mismo ang humiling na ipagpaliban muna ang subastahan.
Unang nagpasya ang RTC pabor sa mag-asawa pero binaliktad nito ang desisyon at dinismis ang kaso. Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang pangalawang desisyon ng RTC at binalik ang unang desisyon ng RTC pabor sa mag-asawa. Tama ba ang CA?
Mali ang CA ayon sa Korte Suprema. Hindi na nila matututulan at usisain pa ang bisa o validity ng pagsubastang ginawa ng sheriff sapagkat sila mismo ay sumali at humiling na ipagpaliban muna ito.
Hindi nalinis ang kamay nila sa pagdulog sa korte. Matapos nilang hiniling na ipagpaliban muna ang subasta kahit hindi na ilathala. Itong kahilingang ito ay isang pakubling taktika upang mapagpaliban ang pagpapaliban ng subasta.
Ang mga kilos ng mag-asawa ay di dapat pagkatiwalaan. Kaya talagang mali ang CA. Ang desisyon ng RTC na dismisin ang petisyon nila ay dapat ibalik (Security Bank vs. Martel, G.R 236572. November 10, 2020).
- Latest