PhilHealth coverage: 104 milyong Pinoy na!
Magandang balita ito: Umaabot na sa 93 porsiyento ng kabuuang populasyon ang nasasakop ng PhilHealth sa layuning mabigyan ng libreng serbisyo medikal ang lahat ng Pilipino, mahirap man o mayaman. Ang 93 pecent ay katumbas ng 104 milyong rehistradong benepisyaryo. Sa ilalim ng batas sa Universal Health Care (UHC) Act, bawat Pinoy ay awtomatikong masasaklaw ng serbisyong medikal. Gayunman, kailangang magparehistro pa rin sa PhilHealth para maging maginhawa ang paggamit ng benepisyo ng mga miyembro.
Upang maabot ng UHC ang hangarin nitong bigyan ng social health insurance ang bawat Filipino, kinakailangang magparehistro sa PhilHealth ang mga hindi pa rehistrado. Maging ang mga naalis na bilang dependent dahil sa umabot na sa edad na bente uno ay kinakailangan ding magparehistro upang mabigyan ng saraling PhilHealth Identification Number (PIN). Napakagandang programa na pati ang tinatawag na poorest of the poor sa ating lipunan ay masasaklaw ng pagbibigay ng pamahalaan ng libreng serbisyong pangkalusugan gaya nang ginagawa sa ibang mauunlad na bansa. Wow, big time na tayo. Sana all!
Galing naman! Para na tayong welfare state nito. Sa kanyang State of the Nation Address kamakailan, ito ang masayang ibinalita ni Presidente Bongbong Marcos. Aniya “palapit na tayo nang palapit sa hangaring mabigyan ng serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino.” Kaya kung hindi pa rehistrado, magparehistro na para magkaroon ng PIN. Heto pa ang maganda sa programa: Sa ilalim ng PhilHealth Konsulta package, mayroong dalawampu’t isang gamot at labintatlong laboratory service ang ibibigay ng libre. Napakalaking kaluwagan iyan lalo na sa mga mahihirap nating kababayan.
Sa ngayon ay may naitalaga nang mahigit sa dalawang libong Konsulta facilities sa buong bansa na puwedeng dulugan ng mga pasyente para sa kanilang walang bayad na primary health care service. Kaya nananawagan ang PhilHealth na samantalahin ang oportunidad at magpakonsulta na para magamit ang primary care benefit na nakalaan para sa bawat Pilipino.
Napakadaling magparehistro. Magtungo lang sa pinakamalapit na Local Health Insurance Office (LHIO) sa iyong lugar o sa mga PhilHealth Express na matatagpuan sa mga piling mall. Sa ngayon, ang PhilHealth ay puspusang nagsasagawa ng information program upang malaman ng bawat mamamayan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa programa. Kaya ang sigaw ng PhilHealth: Seguruhin ang inyong kalusugan, magparehistro na!
- Latest