PBBM, please the people, please
NOON pa mang araw, simple lang ang hinahanap ko’ng katangian ng iboboto kong mamumuno sa bansa. Ayaw ko ‘yung may mga malalalim na platapormang hindi mauunawaan ng masang Pilipino. Basta ang isang prospective leader ay may kapasidad na ihatid ang very basic na kailangan ng mga mamamayan at nangunguna riyan ang pagkaing abot kaya ng lukbutan.
Siyempre, kailangan ding tutukan ang ibang basic needs tulad ng housing, education, health care, national security at iba pa. Pero unang dapat tutukan ay ang sikmurang kumakalam. Sabi nga, ang sikmurang walang laman ay ugat ng lahat ng karahasan. Pero kumustahin natin ang presyo ng pagkain. Alam na alam ito ng mga ginang ng tahanan at kahit mga ginoo na sanay mamalengke. Hindi ako namamalengke pero laging nagrereklamo ang misis ko na kinakapos ang P1,000 kada araw sa aming pagkain.
Hihimatayin ka sa presyo ng isda. Ang galunggong na dati’y nasa P150 ang kilo ay umaabot na kung minsan ng P250 hanggang P300. Kahit ang presyo ng gulay ay mataas. Ang kangkong na noo’y P5 lang ay nagkakahalaga na ng P15! Kung medyo malaki ang pamilya, ang P500 o kahit P1,000 ay kukulangin sa isang araw na pagkain.
Ngayon ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Bongbong Marcos at sa palagay ko lang bilang isang ordinaryong mamamayan, umaasa ang marami na mag-aanunsyo si Marcos ng magandang balita hinggil sa mas mababang presyo ng bilihin. Hinihikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri si President Marcos na iyan mismo ang tutukan niya—ang pagpapababa sa presyo ng pagkain.
Ang Presidente ang concurrent agriculture secretary ngunit hanggang ngayon ay mataas pa rin ang halaga ng pagkain sa merkado at ang nagdurusa ay ‘yung mga mahihirap at middle income families. Alam natin na hindi madaling gawing ibaba ang presyo ng bilihin lalo pa’t may nanalasang bagyo na madalas mangyari sa bansa, mataas na transportation cost at pag-iral ng mga middlemen at cartel bago makarating sa palengke ang mga paninda.
Idagdag pa ang mga nakikipagkutsaba sa ilang tiwaling opisyal upang magdikta sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Bilang Presidente na pinagtiwalaang ihalal ng mamamayan, obligasyon ni Marcos, Jr. na humanap ng mabisang paraan upang malutas ang problema sa presyuhan ng pagkain. Naiisip ng iba, binibigyan ng pabor ng Presidente ang mga negosyanteng tumulong na maihalal siya bilang presidente. Kung totoo iyan, please naman, don’t please your allies but please the people. Please?
- Latest